MAGBABALIK ang pinakamalaki at prestihiyosong marathon event – ang Manila International Marathon – sa bansa tampok ang pinakamatitikas na local at foreign runners sa Pebrero 25 sa Luneta Grandstand.
Sa pag-organisa ng dating national athlete at founding president na si Dino Jose, asahan ang mahigpitan at kompetitibong kompetisyon na mahabang panahon na ring nanahimik at nawalan ng kinang.
“Gone where the days na talagang makinang ang marathon event sa ating bansa. Noong 1982 edition, mismong ang Pangulong Ferdinand Marcos ang sumaksi sa finish line at nagbigay ng parangal sa mga top finisher,” pahayag ni Jose, produkto ng Gintong Alay noong dekada 80 na pinamumunuan ni Michael Keon.
“Matagal akong nawala after mag-migrate sa US, but ‘yung passion ko sa running, especially sa marathon hindi nawala, kaya ngayong retirado na tayo, focused akong ibalik ‘yung prestige ng marathon sa bansa. Nakalulungkot kasi na for the longest time, hindi nababago ang oras ng mga local marathoner, hindi maka-break sa 2:15 hours,” sambit ni Jose sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa VIP Room ng Rizal Memorial Coliseum.
Sa kasalukuyan, ang national record sa 42km marathon ay hawak ni Eduardo Buenavista (2:18.44) na naitala noong 2004 sa Beppu Oita Marathon sa Japan, habang ang women’s record na 2:43.31 ay tangan ni Mary Joy Tabal noong 2016 sa Scotiabank Ottawa Marathon sa Canada.
“Ang tanong ng marami, bakit hindi ma-break ang mga record? Ang sagot ko, wala kasing kompetitibong event na nasasalihan ang ating mga runners, kaya nalilimitahan ang training at focus. Ngayon, sisimulan ulit nating paingayin ang marathon,” pahayag ni Jose sa programa na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Behrouz Persian Cuisine at Pocari Sweat.
Kabuuang 100 foreign marathoners mula sa Belgium, Australia, Japan, China, Amerika at France, sa pangunguna ni Nasser Allali na pumangatlo sa Spain Open nitong Disyembre sa tiyempong 2:17.06, ang lalahok sa torneo.
“Yung presensiya ng mga foreign athletes ay magbibigay ng malaking hamon sa ating mga atleta para ma-test nila kung hanggang saan na ang galing nila. Hopefully, maging daan ito para ma-inspire natin ang taking mga locals,” aniya.
Bilang pandagdag motibasyon, sinabi ni Jose na ang top Filipino marathoner ay pagkakalooban ng all-expense paid trip para makalahok sa Taiwan Marathon sa Nobyembre. Libre ring makalalahok ang mga miyembro ng Philippine Team sa torneo.
May kabuuang P250,000 ang naghihintay na premyo, tampok ang P100,00 sa men’s division. Target ni Jose ang 2,000 participants at sa kasalukuyan ay may 1,200 na ang nakapagpatala para lumahok sa torneo na babagtasin ang kahabaan ng Roxas Boulevard sakop ang siyudad ng Pasay at Paranaque.
Bukod sa 42Km full marathon na may entry fee na P2,500, paglalabanan din ang 21Km haf marathon (P1,700), 10KM (P1,400) at 5Km (P1,200). Kaakibat ng entry fee ang libreng singlet, running shirt at certificate.
“Yung mga member ng AFP at government employee ay mabibigyan ng 20% discount, habang yaong mga non-government organization ay bibigyan natin ng 50% discount,” ani Jose.
Sa mga interesadong lumahok, makukuha ang registration form sa lahat ng Chris Sports branch at maaari ring magpatala online sa manilainternationalmarathon website.
CLYDE MARIANO