MANILA-MAKATI 6 MINS NA LANG

Skyway Stage 3-3

BINUKSAN na kahapon sa publiko ang 3.76-kilometer section ng  Metro Manila Skyway Stage 3 na magpapa­ikli sa travel time mula Buendia sa Makati hanggang  Paco, Manila sa 6 minuto lamang mula sa dating isang oras.

Ang Buendia-Plaza Dilao segment ay bubuksan sa light vehicles, subalit sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na may mga araw na isasara ang tollway dahil sa construction works.

Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, sa sandaling matapos, ang Skyway Stage 3 ay magdurugtong sa South at North Luzon Expressways.

“Skyway Stage 3 is 70 percent finished,” wika ni Villar.

Sa kasalukuyan, ang bagong expressway na patatakbuhin ng toll road unit ng San Miguel Corp. ay toll-free.

Ang Metro Manila Skyway Stage 3 ay isang 18.68-kilometer elevated expressway na magdurugtong sa Gil Puyat Avenue sa Makati City sa North Luzon Expressway (NLEX) sa Balintawak, Quezon City.

Ang proyekto ay magkakaroon ng limang sections —Buendia to Quirino to Nagtahan (3.76 km.); Nagtahan to Aurora Boulevard/Ramon Magsaysay Avenue (6.19 km.); Ramon Magsaysay Avenue to Quezon Avenue (2.71 km.); Quezon Avenue to Balintawak (4.46 km.); at Balintawak to NLEX (1.56 km.).

Tinatayang nagkakahalaga ang proyekto ng P37.43 billion at inaasahang magpapaikli sa travel time mula Buendia hanggang Balintawak sa 15 hanggang 20 minuto lamang mula sa kasalukuyang dalawang oras.

Nakatakda ring buksan sa publiko ngayong araw ang two by three lanes ng Segment 3A-1 ng C5 South Link.

“The partial opening of these two (2) toll roads will not be as beneficial as when they are fully realized but it would already provide options to motorists hence spread out traffic better. Rest assured that we are working double time to complete these projects as soon as possible,” ani Villar.

Comments are closed.