MANILA TRICYCLE REGULATORY OFFICE BUBUWAGIN

PINABUBUWAG na ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Manila Tricycle Regulatory Office (MTRO) makaraang madiskubre ang samu’t saring katiwalian sa nasabing opisina sa isinagawang flag raising ceremony kahapon ng umaga sa Kartilya ng Katipunan sa Maynila.

Inatasan ni Domagoso si Vice Mayor Honey Lacuna katuwang ang buong konseho ng Maynila na magpasa ng ordinansa na magbubuwag sa buong MTRO makaraang mabuking ang umano’y pangongolekta sa mga traysikel at sidecar driver ng P100 kada araw kapalit ng malaya nilang pagbiyahe sa kalsada ng Maynila.

Ayon sa mga hindi nagpakilalang driver ng traysikel at sidecar, kapag may nakadikit na sticker na nagmula sa MTRO ang kanilang minamanehong sasakyan ay maaari umano nila itong gamiting “depensa” o “iwas huli” sa oras na bumibiyahe sila sa Lungsod ng Maynila.

Hindi naman lingid sa mga Manilenyo na maraming mga pasaway na driver ng traysikel at padyak dahil karamihan sa mga ito ay nakasa­nayan nang lumabag sa ilang batas trapiko tulad ng pag-counter flow, hindi pagsunod sa traffic lights, pagtawid sa mga bangketa atbp.

Dahil dito, nakara­ting sa kaalaman ni Domagoso ang nasabing modus kaya’t agad itong umaksyon at inatasan ang konseho na gumawa ng kaukulang hakbang upang mabuwag ang MTRO.

Samantala, nagbabala naman si Domagoso sa department heads at bureau chiefs ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila na bubuwagin nito ang kanilang departamento sakaling hindi nila magawang madisip­lina ang kanilang mga tauhan.

“If you cannot discipline your employees, then I will abolish your Department. I will not allow this opportunity to pass as if I am just the usual Mayor,” ani Domagoso. PAUL ROLDAN

Comments are closed.