MANILA ZOO ISASARA

MANILA ZOO

PANSAMANTALANG ipasasara ng lokal na pamahalaang Maynila ang Manila Zoo upang bigyang-daan ang pagsasaayos sa waste water treatment facility nito.

Magugunitang tinukoy ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu ang Manila Zoo na isa sa mga pangunahing nagtatapon ng maruming tubig sa Manila Bay kaya agad itong inaksiyunan ng lungsod bilang suporta na rin sa rehabili­tasyon ng Manila Bay.

Sa memorandum na kanyang ipinalabas, inatasan ni Manila Ma­yor Joseph Estrada sina City Admi­nistrator Atty. Ericson Alcovendaz, Department of Engineering and Public Services City Engineer Rogelio Legaspi, Department of Public Services head Lilybelle Borromeo, Task Force Manila Clean chief Rafael Borromeo at Atty. Jasyrr Garcia, administrator ng Manila, na agad na isailalim sa rehabilitasyon ang nasabing zoo.

Kasabay nito, sinabi ni Estrada na ipagagawa rin nila ang waste treatment facility upang maiwasang makaapekto sa tubig sa Manila Bay at iba pang baybaying dagat.

Ayon kay Estrada, hindi na maaaring patagalin ang rehabilitas­yon ng Manila Zoo lalo pa’t marami na ring depektibong pasilidad.

Nabatid na nagsumite na rin ng programa para sa rehabilitasyon sina Alcovendaz, Legaspi at Borromeo matapos na magsagawa ng inspeksiyon ang DENR.

Dagdag ng alkalde, pansamantala lamang ang closure upang mas maging maayos at maaliwalas ang pamamasyal sa loob ng Manila Zoo. PAUL ROLDAN

Comments are closed.