ManilaArt’18: Ang ARTe ng Pilipinas Celebrating a Decade of Artistic Excellence

ManilaArt

Every creative encounter is a new event. Every time requires another assertion of courage — Rafael ‘Popoy’ Cusi, watercolor master

ISANG dekadang pagtatampok ng mga natatanging obra ng ating mga artesano na nagpapakita ng buhay, imahinasyon, husay at pagkamalikhain nating mga Filipino.

Sa pagdiriwang ng ika-10 taong anibersaryo ng ManilaArt’18 na may temang “Ang ARTe ng Pilipinas: Celebrating a Decade of Artistic Excellence” ay naghandog ito ng limang araw na pagtatanghal na nagsimula na nitong Oktubre 17 at magtatapos sa Linggo, Oktubre 21, sa SMX Convention Center, SM Aura, Taguig.

ManilaArt-3Ang “once in a year experience” na ito ay nilahukan ng piling bonafide galleries tulad ng Galleria Quattrocento na nagpapakita ng modern at contemporary paintings; Renaissance Art Gallery na nakapagtampok na rin ng mga obrang Filipino sa ibang bansa; Artepintura na nagpapakilala ng mga bagong artist na may orihinal, makabago at aesthetic value; Galerie Francesca na naging tulay upang makilala sina Migs Villanueva, Jef Cablog at Jinggoy Salcedo; at Artes Orientes na nagtataguyod ng mga lokal na sining at artist sa bansa; at marami pang iba.

Talaga namang bubusugin ang inyong mata sa iba’t ibang kuwento ng buhay na nakapaloob sa mga nakamamang­hang obra ng mga ipinagmamalaking pintor at eskultor ng Filipinas na hinahangaan maging sa ibang bansa. Ilan sa mga ito ay sina:

Glassmaster Ramon Orlina na bata pa lamang ay naging inspirasyon na ang mga istatuwa at eskultura na gawa ng National Artist na si Napoleon Abueva kaya naman nagsikap na maturuan ang kanyang sarili kung paano makalilikha ng eskultura mula sa mga itinapong basag na salamin.

Ngayon nga ay na­kilala na siya bilang maestro at ilan sa kanyang mga gawa na makikita sa exhibit ay ang “Naesa” (carved green glass), “Dahon” (carved clear optical glass) at “Peaks of Splendour” (carved amber glass).

ManilaArtSurrealism artist Roger “Rishab” Tibon na kilala sa “Veiled Iconography” dahil karaniwang base ang mga obra nito sa larawan at imahinasyong nililikha ng a­ting isipan. Tulad sa panaginip kung saan sinabi niya na: “I am particularly fascinated and interested in exploring the nature of the mind–the conscious and unconscious modes… The mind is like a river constantly flowing and comes all kinds of images, thoughts, emotions, ideas, and experiences that enter through the sense.”

Ilan sa kanyang mga likha na makikita sa exhibit ay ang “The Great Wave of Awakening”, “Enkantada”, “Deep Forest Within” at “Headdress”.

Storyteller Migs Villanueva, kilala bilang isang mahusay na mana­nalaysay kung saan nanalo siya ng tatlong Palanca Awards (2002, 2004, at 2006) at dalawang NVM Gonzales Awards. Kalauna’y nahilig sa pagpipinta, at mga bata ang kanyang pangunahing mga tauhan.

Makikita sa kanyang mga likha ang iba’t ibang pangkaraniwang ginaga­wa ng mga bata tulad ng pagiging masiyahin at pagiging inosente ng mga ito. At tuldok lamang ang kumakatawan sa mga mata, ilong at bibig. Nais ni Villanueva na mai­padama sa mga nakaka­kita rito ang kanilang naging karananasan noong sila ay bata pa.

Si Angelico Villanueva o mas kilala bilang “Jik”, tubong Montalban, Rizal, ay nagmula sa pamilya ng mga artist. Nagsimula bilang isang pintor at hindi nagtagal ay napabilang sa isa sa pinakamahusay na manlililok sa Filipinas.

ManilaArt
ART ENTHUSIASTS: Ang mag-asawang entrepreneur na sina Mr. and Mrs. Vincent Atienzar, Visual Artist Bing Famoso, writer Jami Mendoza, make-up artist champion, Beauty Olympics (Thailand) Kaye Agustin, at Susan Cambri, PILIPINO Mirror managing editor.

Ang ilan sa kanyang mga likha ay na-exhibit na sa ibang bansa tulad sa New York, Malaysia, Japan, China, Indonesia, Hongkong, Singapore at iba pa. Gayundin, lumahok din siya sa iba’t ibang kompetisyon sa loob at labas ng bansa at nagkamit ng mga parangal. Tinawag siyang “madman” ng isa niyang kaibigan dahil sa husay at bilis niya sa paglililok  kung saan ay tinapos niya sa loob lamang ng isang araw ang isang eskultor. Ipinakita ni Jik Villanueva ang ilan sa kanyang obra sa exhibit tulad ng “Mine”, isang ant sculpture.

ManilaArtNaganap sa unang araw ng selebrasyon ang Press Launch of Ilaw Sculpture, Invitational Preview, Invitaional Gala, at Hatch Manilaart Launch. Sa ikalawang araw naman ay ang Students walking art tours (pre-registered), at kahapon, idinaos ang Art in Fashion workshop ni Bing Famoso at Performance Art with Gromyko Semper. Masasaksihan ngayong Sabado ang Music, Poetry and Art Improvisation, at Galicano Portraiture Demo for Professional Artists. Sa huling araw, magaganap ang Art in Fashion workshop nina Jet Tupas-Barile, Bonifacio Choir Flash Mob, MSJO Performance, at Live sketching ng Tuesday group artists. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang kanilang website na manilaart.org.

Sa usaping sining, talaga namang hindi pahuhuli ang mga Filipino sa  natatangi at mahuhusay sa buong mundo. Isa lamang ito sa mga patunay ng talentong Pinoy na maipagmamalaki sa lahat. Mabuhay ang ManilaArt 2018: “Ang ARTe ng Pilipinas” para sa isang dekadang pagtatampok ng talentong Filipino. AIMEE GRACE ANOC

Comments are closed.