NAPALITAN na ng tiwala dahil sa benepisyong dulot nito ang pagdadalawang isip sa bakuna ng mamamayan ng Lungsod ng Maynila.
Ito ang pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno, base sa datos ng pamahalaang lokal sa dami ng bilang ng mamamayan na nais magpabakuna sa ngayon kumpara noong unang inilatag ito.
Sa kasalukuyan, ayon kay Moreno ay mayroong 120,000 indibidwal na nabakunahan na ng city government sa ilalim ng superbisyon ni Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department sa pangunguna ni Dr. Arnold Pangan. Sa nasabing bilang, 54,000 dito ang tumanggap na ng second dose.
Kapuna-puna, ayon kay Moreno na ang kabibigay pa lamang na bakuna sa lungsod ng national government na may kabuuang 4,200 doses ay mabilis na naubos sa loob lamang ng anim na oras.
Dinagdag pa ng alkalde na ang mga taong nagparehistro para sa libreng bakuna sa Maynila ay umabot na sa 329,247 nito Lunes.
Ayon pa kay Moreno, naeengganyo ang publiko kapag nakikita nila na marami ang nagpapabakuna at ang tiwala nila sa bakuna ay tumataas din.
Matatandaan na bago pa dumating ang bakuna, panay na ang panghihikayat nina lokal na pamahalaan ng Lungsod sa lahat ng residente na samantalahin ang libreng bakuna at binigyan diin din ang kahalagahan ng may bakuna sa katawan dahil sa benepisyong dulot nito.
Si Moreno na aktibo at palagiang kinukumbinsi ang mamamayan ng lungsod na magpabakuna dahil aniya, hindi man makapagbibigay ng immunity ang bakuna ay makapagdudulot naman ito ng sapat na proteksiyon upang hindi mauwi sa severe o critical case sakaling tamaan ng COVID-19.
Nitong Martes, ang city government ay nagbakuna na ng Sputnik V (Gamaleya) vaccines mula sa Russia sa medical at health frontliners na naglilingkod sa national at city health hospitals.
Ang pagbabakuna ay ginawa sa Sta. Ana Hospital sa pamumuno ni Director Dr. Grace Padilla, isang araw matapos niyang samahan sina Moreno, Lacuna and Pangan sa pagtanggap ng bakuna mula sa national government .
Ang nasabi ring ospital ang siyang lugar kung saan naroon ang storage facility para sa bakuna ng lungsod. Nagtataglay ang nasabing facility ng temperature requirement para sa lahat ng vaccine na darating sa bansa. VERLIN RUIZ
Comments are closed.