MANINIWALA BA TAYO SA LAHAT NG CONSUMER GROUPS?

Magkape Muna Tayo Ulit

MUKHANG nanahimik na pansamantala si Bayan Muna Partylist Rep. Isagani Carlos Zarate sa pagbatikos sa mga programa ng pamahalaan pati na ang pagpuna niya sa ibang isyung may kaugnayan sa enerhiya.

Malamang ay magpapalamig na muna ang kongresistang naging sentro ng katatapos lang na pagtalakay ng Senado sa isyung red-tagging. Tingnan natin pagpasok ng susunod na taon kung muli siyang mambabatikos.

Pero mayrooon pa ring ibang pasaway na mga tao na nagtatago bilang consumer group at panay pa rin ang batikos sa mga isyung may kinalaman daw sa karapatan ng mga konsyumer.  Isa rito ang Matuwid na Singil sa Kuryente Consumer Alliance Inc. (MSK). Nais nitong paimbestigahan ang diumano’y mataas na singil sa pamamamagitan ng generation charges na pinapasa raw ng Quezon Power Philippines Ltd. (QPPL) sa mga kustomer ng  Manila Electric Co. (Meralco). Ayon sa MSK, dapat daw bumaba ang generation charges ng QPPL dahil bumaba ang presyo ng coal.

Ang QPPL, na pinatatakbo ng Egco Group ng Thailand, ang nagmamay-ari ng 460-megawatt Mauban coal-fired power plant sa Mauban, Quezon. Mismong si Presidenteng Duterte ang humimok sa Egco Thailand na mamuhunansa bansa at tumulong para magprodyus ng enerhiyang kailangan ng mga industriya ang negosyong lokal para sa paglago ng ating ekonomiya. Aysus!

Marahil ay kailangan nating busisiing mabuti ang MSK at kung ano ang adyenda nito.  Kaduda-duda ang kanilang operasyon na nangangahas lumapit sa matataas na pinuno ng pamahalaan, Kongreso at gumagalaw sa loob ng industriya ng enerhiya, na wala namang maipakitang pumapasok na pondo upang mapaandar ang operasyon nito.

Ang akusasyon nila laban sa Meralco ay agarang pinabulaanan. Ayon sa Meralco, bumaba ang retail rates ng kompanya sa pinakamababang lebel nito sa nakaraang ilang taon. Nitong Disyembre nga, nag-anunsiyo ang Meralco ng pagbaba ng singil sa koryente ng P0.0352 per kilowatt hour o P8.4753 per kwh, mas mababa kaysa noong Nobyembre na  P8.5105 per kwh. Kung susumahin, ang pagbaba ng singil ay katumbas sa P7 na kabawasan na bayad sa koryente para sa mga residente na kumukonsumo ng  200 kwh kada buwan. Ito na ang pangalawang pinakamababang singil sa koryente sa loob ng tatlong taon magmula pa noong Setyembre 2017.

Ang mga tulad ng MSK ang nagpapalala sa kondisyon ng ating ekonomiya. Nagkukumahog na nga si Pangulong Duterte at ang kanyang mga economic adviser para mag-isip ng mga paraan upang matulungang bumangon ang ekonomiya pagkatapos ng COVID-19.  Hindi natin kailangan ngayon ng mga maninira na ang hangad lamang ay ang sarili nilang kapakanan.

Comments are closed.