MANIPIS ANG SUPLAY NG KORYENTE, NASAAN NA ANG P4P, BANTAY KORYENTE AT CEED?

HETO, ha? Magtapatan na tayo. Asan na ang mga sinasabing grupo na tagapagmasid sa isyu ng enerhiya?

Kamakailan ay nag-anunsiyo ang NGCP, DOE at Meralco tungkol sa manipis na suplay ng koryente dulot ng tinatawag na peak demand sa paggamit ng koryente sa panahon ng tag-init. Bakit wala tayong naririnig sa kanila ngayon? Nagtatanong lang po.

Bakit wala tayong naririnig mula sa People for Power Coalition (P4P)? Asan ang Center for Energy, Ecology, and Development (CEED)? Bakit walang pahayag ang grupong Bantay Kuryente sa pagnipis ng suplay ng koryente sa Luzon? Asan na ang mga partylist na umano’y representante ng sambayanan para sa industriya ng enerhiya? Asan na si Gerry Arances sa isyung ito? Anyare?

Bakit tahimik ang mga ito? Tatlong araw na ang nakalipas matapos mag-anunsiyo ang NGCP na magkakaroon tayo ng red at yellow alert status sa Luzon grid at yellow status sa Visayas grid dulot ng forced outages ng ilang power plants na sumabay sa taas ng demand ng paggamit ng koryente dahil sa sobrang init ng panahon, wala tayong narinig sa mga grupong ito. Hmmmm…

Mabuti na lang at patuloy na nagpapaliwanag ang Meralco, NGCP at DoE tungkol dito upang maunawaan natin kung bakit nagiging manipis ang suplay ng koryente sa ating bansa.

Kaya naman malinaw pa sa inuming tubig kung ano ang solusyon sa kakulangan ng suplay ng koryente. Kailangan ng panibago at mas modernong power plant na makapagbibigay ng sapat o mas higit pa na suplay sa kinokonsumong koryente ng ating bansa.

Kung marami tayong tinatawag na energy reserve, mas bababa ang singil ng koryente natin. Napakasimpleng “Law of supply and demand”. Mataas ang singil ng koryente ngayon dahil mataas ang demand.

Hindi ko minamaliit ang mga adbokasiya ng mga grupong ito. Tama na bantayan natin ang mga mapang-abusong kapitalista na pinagsasamantalahan tayong mga konsyumer ng koryente. Tama lang din na bigyan ng ‘power’ ang ‘people’ para may boses ang sambayanan kapag agrabyado tayo sa taas ng singil ng koryente. Saludo din ako na magkaroon ng “center for energy, ecology and development” para sa ikauunlad ng ekonomiya ng ating bansa sa pamamagitan ng mura at malinis na koryente.

Hindi ba dapat ito ang itinutulak ng P4P, Bantay Kuryente, CEED; na ang lahat ng mga ito ay kasama si Arances, upang guminhawa ang buhay nating mga Pilipino?

Kung titingnan natin, aktibo lamang ang grupong ito kapag nagkakaroon ng panibagong power supply agreement (PSA) ang Meralco. Kapag ibang power distribution utility (DU) o electric cooperative (EC) ang papasok sa PSA, wala tayong masyadong naririnig sa mga grupong ito.

Ngayon naman ay ang isyu ng manipis na suplay ng koryente. Nasaan sila upang magbigay ng boses para sa sambayanan na kailangan natin ng karagdagang power plants upang makasiguro tayo ng mababa at patuloy na suplay ng enerhiya. Nagtatanong lang po.