MANNY PACQUIAO, ANG PAGBIGAY PUGAY SA KAKAIBANG BOKSINGERO

MARAHIL  halos lahat sa atin ay nasaksihan ang laban noong Linggo ni Sen. Manny Pacquiao kontra Yordenis Ugas ng Cuba para sa WBA welterweight belt na dating hawak ni Pacquiao dalawang taon ng nakaraan.

Nakalulungkot na natalo si Pacquiao sa laban niya kay Ugas. Kapansin pansin na medyo nabawasan ang bilis ng galaw ni Pacquiao kung ating ihahambing noong mga nakaraang dekada kung saan tinalo o kaya ay nakalaban niya ang mga sikat at magagaling ng boksingero sa mundo.

Nawala na ang ningning, bilis at lakas ni Pacquiao sa kanyang huling laban. Madaling tinatamaan siya ni Ugas dahil sa tangkad at haba ng mga braso. Maraming binitawan si Pacquiao na suntok nguni’t iilan lamang ang tumatama kay Ugas.

Ang unang masaya at maligalig na mga manonood sa loob ng T-Mobile Arena sa Las Vegas ay maingay sa umpisa ng laban, subali’t unti-unting tumahimik sa kalagitnaan ng laban ni Pacquiao. Ang mga taga-suporta ng ating ‘fighting senator’ ay nakakaramdam na natatalo ang kanilang idolo.

Nang inanunsyo kung sino ang nanalo sa laban, walang tumutol sa mga karamihan ng tao sa loob ng T-Mobile Arena. Alam nila mismo na hindi mananalo si Pacquiao. Malamang ay ito na ang hudyat na huling laban ni Pacquiao.

Sa edad na, malayo na ang narating ni Emmanuel Dapidran Pacquiao na nagsimula sa mahirap na buhay at naabot ang tugatog ng tagumpay sa larangan ng boksing. Hindi biro ang mga nakalaban niya sa boxing sa loob ng apat na dekada: Oscar Dela Hoya, Marco Antonio Barrera, Eric Morales, Miguel Cotto, Shane Mosley, Antonio Margarito, Floyd Mayweather, Juan Manuel Marquez at iba pa. Ang mga nabanggit na mga pangalan ay hindi nalalayo na mailagay sa “Boxing’s Hall of Fame” sa mga susunod na taon.

Maliban pa riyan ay mga tinalo at pinatumba si Pacquiao na mga dating world champion tulad nila Chatchai Sasakul, Lehlo Ledwaba, Oscar Larios, Ricky Hatton, Chris Algieri, Timothy Bradley, David Diaz, Jessie Vargas, Lucas Matthysse at Keith Thurman.

Sa pagbalik niya sa ating bansa sa mga susunod na araw, ibang laban naman ang kanyang hinaharap. Politika. Hindi kaila sa lahat na may ambisyon siya na tumakbo sa pagka-presidente sa susunod na taon.

Haharapin niya ang hamon ng pagpapatalsik sa kanya bilang presidente ng partidong PDP-Laban at ang isyu kung sino ang kikilalanin ng Comelec bilang opisyal na representante ng nasabing partido. Dagdag pa rito ay ang mabigat na paratang niya sa korupsiyon sa loob ng DOH sa gitna ng pandemya. Pag-aaralan niya rin kung sino ang magiging katambal niya bilang bise presidente o kung bababa siya bilang bise presidente.

Kung hindi man siya magtagumpay sa pagbabalik sa PDP-Laban, saang malaking partidong politikal siya pupunta? Batay sa mga huling survey kay Pacquiao, nasa ikatlo o ika-apat siya sa ranking.

Nakakaapekto ba ang kanyang pagkatalo kay Ugas? Ano ang mga susunod na hakbang ni Pacquiao upang tumaas ang kanyang survey ratings?

Mapapalitan na ang mga tauhan ng Team Pacquiao sa mga susunod na buwan. Wala nang Freddie Roach, Buboy Fernandez at Sean Gibbons. Kailangan ay makakuha si Sen. Pacquiao ng koponan na eksperto sa mga larangan ng ekonomiya, peace and order, pagsugpo sa pandemya, seguridad, foreign relations at iba pa.

Nakasulat sa kanyang T-shirt noong laban niya ay “Man of Destiny”. Mabigat na mensahe ito. Totoong naging destiny niya ang pagiging kakaibang boksingero sa buong mundo. Sa palagay ko walang sino man na boksingero ang makakasira ng record na nagawa ni Pacquiao sa susunod na 50 years o mahigit pa.

Eight-division world title na nakakamit sa 12 major world titles. Siya ang kauna-unahang boksingero na makakuha ng lineal championship sa 5 different weight classes. Ang kauna-unahang boksingero na nakapagkamit ng world championship sa loob ng apat na dekada mula 1990s hanggang 2020.

Iba ka talaga Sen. Manny Pacquiao. Karapat-dapat lang na magbigay pugay at pasasalamat ang sambayanang Pilipino sa ibinigay mong karangalan sa ating bansa sa larangan ng boksing. Saludo ako sa iyo.

3 thoughts on “MANNY PACQUIAO, ANG PAGBIGAY PUGAY SA KAKAIBANG BOKSINGERO”

Leave a Reply

Your email address will not be published.