MANOK ‘DI MAGKUKU-LANG KAHIT MAY TAAS-PRESYO—BROILERS GROUP

MANOK-7

INIHAYAG kamakailan ng United Broilers Raisers Association (UBRA) na wala silang nakikitang kakulangan sa supply ng manok sa kabila ng pagtataas ng presyo nito.

Sa pahayag ni UBRA president Elias Inciong na ang farmgate price ng manok ay umabot na sa P107 bawat  kilo, base sa kanilang huling survey sa Bulacan at Rizal.

Nang tanungin kung ito ay nangangahulugan na nagkaroon ng kakulangan sa ngayon, sinabi ni Inciong: “Siguro ganyan na ho ‘yan talaga, taas-baba, taas-baba.

“Marami rin po ka­sing hamon ‘yung pag-aalaga ng manok at ‘yung pagnenegosyo ng manok masama rin po ang panahon nitong linggo… hirap po kasi ang manok ‘pag pabago-bago ‘yung klima.”

Nalulungkot din ang UBRA president sa epekto ng “record-high” chicken imports sa local growers.

“Itong taon ho na ito kasi ang record high ng imports, makikita naman ho ‘yan sa public records e. Dahil ho riyan, nag­iingat ho lahat ‘yung mga local, lalo na po ‘yung kulang ‘yung puhunan,” ani Inciong.

“‘Pag tingin namin ho na mataas ‘yung imbentaryo ng frozen, lalo na ‘yung imported, marami na hong mag-iingat dahil, sa totoo lang, ‘yung industriya hilong-hilo na ho simula po ng Setyembre nu’ng isang taon.”