MANONG CHAVIT NAKISAYA SA SUMBINGTIK FEST

CAINTA, RIZAL – Sa kabila ng paghahanda sa kanyang kampanya para sa bagong hamon sa public service, na­kisaya si senatorial candidate Luis “Manong Chavit” Singson sa selebrasyon ng Sum­bingtik Festival 2024 sa Cainta, Rizal.

Ang Sumbingtik Festival na halaw sa mga sikat na produkto ng Cainta na suman, bi­bingka at latik  ay ipinagdiriwang upang itampok sa buong mundo ang cultural at culinary heritage ng probinsya.

At ngayong taon ay kasama si Manong Chavit sa mga nakiisa sa mga taga Barangay Sto. Niño na mai-showcase ang likas na kagalingan ng mga taga-Cainta pagdating sa pagluluto ng mga kakanin.

Noong  November 30 kasama si Manong Chavit, ay pinangunahan nina Cainta Mayor Elenita “Elen” Nieto at municipal administrator Johnielle Keith “Kit” Nieto ang float parade kung saan  nagsuot ng traditional Muslim attire ang mga dumalo habang nakasakay sa mga magagarang floats.

Si Manong Chavit, na nakasuot bilang Raja Sulayman, ang siyang panauhing pandangal at sumakay rin sa isang napakamagarang float.

Doon, ibinahagi niya ang kanyang mga adhikain sa Senado, gaya ng  modernisasyon ng mga public utility vehicles (PUV) sa pamamagitan ng pagbibigay ng pautang na zero downpayment, zero interest at zero collateral sa  drivers at operators.

Isinusulong din ni Manong Chavit ang transition sa paggamit ng electric vehicles gaya ng e-trikes, motorcycles at e-jeepneys.

“Handa akong magpautang at tumulong sa ating mga drivers at ope­rators ng walang interes at walang downpayment dahil nais kong maisama sila sa pag-unlad,” saad ni Manong Chavit na Number 58 sa Senate ballot.

Inilahad din niya ang kanyang programa na Chavit 500 – isang universal basic income proposal na naglalayong magbigay ng buwanang P500 sa mga minimum wage earners pababa at ang nalalapit na paglu­lunsad ng VBank na tutulong sa mga ordinaryong Pilipino na magkaroon ng access sa banking system sa bansa.

Bilang isang beteranong public servant, naikuwento ni Manong Chavit ang kanyang dedi­kasyon  sa pagtulong gaya ng ginawa niya sa Ilocos Sur kung saan mula sa isa sa pinakamahirap na probinsya sa bansa ay naging pang-lima sa mga pinakama­yamang probinsya.

Nang matanong kung ano ang masasabi niya sa nangyayaring tensyon sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte, sinabi ni Manong Chavit na mas dapat isipin ang pagkakaisa at ang collective effort na tulungang mapaunlad ang bansa.

Nanawagan din siya sa  political leaders na isantabi ang mga hindi pagkakaunawaan at magtulungan upang mas mapalakas pa ang ekonomiya ng bansa.