(Manpower agencies umalma) 200 OFWs PA-TAIWAN PINABABA SA KANILANG FLIGHT

taiwan

PARAÑAQUE CITY – DISMAYADO ang grupo ng manpower agencies nang mapasama ang Taiwan sa mga bansa na pansamantalang ipinagbabawal puntahan ng mga overseas Filipino worker (OFWs) kasabay ng pangamba sa paglawak ng tinatamaan ng novel coronavirus na ngayon ay tinatawag na COVID-19.

Dahil sa nasabing deployment, nasa 200 OFWs ang nakasakay na sa kanilang flight at pinababa noong Martres.

Giit ng Pilipino Manpower Agencies Accredited to Taiwan (PILMAT) na ang Taiwan ay ikinokonsidera ng United Nations bilang independent nation.

Paliwanag pa ng grupo na mayroong trade relations ang Filipinas sa Taiwan sa pamamagitan ng Manila Economic and Cultural Office (MECO).

Una nang nilinaw ng Department of Health (DOH) noong Lunes na pansamantalang ipinatupad ng Filipinas ang temporary travel restrictions sa Taiwan dahil sa outbreak ng CO­VID-19  na sakop ang Taiwan batay sa One China policy.

Sa ilalim ng travel restrictions na ipinatupad ng Malacañang, ang travelers mula sa China, Hong Kong, at Macau lamang ang hindi pinapayagan na makapasok sa Filipinas habang ang mga Filipino at mga indibiduwal na holder ng Philippine permanent resident visa na manggagaling sa nabanggit na mga lugar ay dapat sumailalim sa 14-day quarantine period.

Paglilinaw naman ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na hindi bibigyan ang mga offloaded OFW ng P10,000 assistance dahil hindi naman sakop ang Taiwan sa board resolution ng Philippine Overseas Employment Administration habang ang mga galing lamang sa China, Hong Kong, at Macau ang mabibigyan.

Sinabi rin ni POEA Administrator Bernard Olalia na noong Lunes lamang ipinagbawal ang pagtungo ng Filipino migrant workers sa Taiwan kasunod ng kumpirmasyon ng DOH na kasama ang nasabing bansa sa apektado ng novel coronavirus. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM