MANUAL COUNTING SINIMULAN NA NG COMELEC

manual counting

SINIMULAN na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagdaraos ng random manual audit (RMA) para sa May 13 midterm elections nitong Miyerkoles.

Sa pagtaya ni Comelec Commissioner Luie Tito Guia na pinuno rin ng RMA committee, posibleng sa loob lamang ng 12 hanggang 15 araw ay matapos na nila ang proseso.

Sa ilalim ng RMA, manu-manong bibilangin ng mga guro ang mga boto mula sa 715 polling places ng mula 8:00 ng umaga hanggang 8:00 ng gabi, upang ikumpara sa mga botong inilabas ng mga vote counting machines (VCMs) at matukoy kung magtutugma ang mga ito.

Aniya, tanging mga boto lamang naman sa pagka-senador, kongresista at mga alkalde ang kanilang bibila­nganin sa RMA.

Ang Legal Network for Truthful Elections (LENTE) ang magiging lead convenor ng RMA, katuwang ang Philippine Statistics Authority (PSA), matapos na tanggihan na ng National Movement for Free Elections (Namfrel) ang naturang tungkulin.

Tiniyak din naman ng Comelec na magiging transparent ang RMA at hindi ito magiging dahilan nang pagkaantala ng proseso ng halalan. ANA ROSARIO HERNANDEZ