LUNGSOD NG MALOLOS – Inangkin ng Bulacan ang karangalan bilang kauna-unahang lalawigan sa bansa na nagkaroon ng manual ng Provincial Blood Services Network Guidelines.
Sa paglulunsad nito sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito, pinirmahan nina Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado bilang kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan at Regional Director Cesar C. Cassion bilang kinatawan ng Department of Health-R3 ang Memorandum of Agreement na may kinalaman sa nabanggit na manual.
Binati ni DOH Assistant Regional Director Dr. Ruben Siapno ang lalawigan dahil sa pagbabalangkas nito ng Bulacan Blood Service Network Guidelines bilang suporta sa implementasyon ng Department Circular 2010-0013 o ang “Operational Guidelines for Blood Service Network in Support to the Implementation of the National Blood Services Program for Blood Safety and Adequacy, Quality Care and Patient Safety” at Regional Memorandum Circular 2016-011 o ang “Regional Blood Services Network Guidelines to Significantly Improve Delivery of Blood Services in Region 3”.
Hinikayat naman ni Bise Gobernador Daniel Fernando ang mga Bulakenyo na patuloy na magbigay ng dugo upang matugunan ang mataas na pangangailangan ng dugo ng kanilang kapwa Bulakenyo.
Layunin ng Bulacan Blood Services Network (BBSN) Guidelines na bumuo ng pantay na pamamaraan sa pagbibigay at pagkolekta ng dugo; bumuo ng episyenteng referral system sa pagitan ng mga blood service facility sa provincial blood service network; liwanagin ang mga tungkulin at gawain ng iba’t ibang blood service facility, lokal na pamahalaan, at iba pang miyembro ng komunidad sa blood service network; gumawa ng pamamaraan para sa pag-uulat ng mga datos at koleksiyon gayundin ang pagbabahagi ng impormasyon sa pagitan ng mga blood service facility; at manguna sa pagsasagawa ng regular na mobile blood donation sa mga komunidad sa halip na replacement donor para sa ligtas at sapat na dugo at pagiging episyente sa pagitan ng mga blood service facility. A. BORLONGAN
Comments are closed.