MANUEL SA NORTHPORT, ANTHONY SA PHOENIX

MAY bago nang koponan sina Vic Manuel at Sean Anthony.

Ang dalawa ang sentro ng off-season deal na kinasasangkutan ng Phoenix at  NorthPort na inaprubahan ng PBA trading committee noong Biyernes.

Sa ilalim ng kasunduan, kukunin ng Batang Pier si Manuel mula sa Fuel Masters kasama si wingman Michael Calisaan.

Kapalit nito ay mapupunta sa Fuel Masters sina Anthony, ang 2019 top Defensive Player, sophomore Sean Manganti, at ang 2021 second round draft pick.

Si Manuel, 34, ay babalik sa kaparehong franchise na kumuha sa kanya ninth overall sa 2012 draft, bagama’t ang kanyang paglalaro para sa Batang Pier ay sa maikling panahon lamang matapos ang kanyang trade sa Meralco pagkalipas lamang ng isang conference.

Ang tubong Licab, Nueva Ecija ay naglaro rin para sa  Alaska, Air21, at Phoenix, na nagkataong kumuha sa kanya bago magsimula ang season kapalit ng dalawang draft picks kasama si guard Brian Heruela.

Samantala, ang  Phoenix ang magiging ika-8 koponan ni Anthony matapos ang Powerade, Barako Bull, TnT Tropang Giga, Air21, Meralco, NLEX, at  NorthPort.

Habang nasa Batang Pier, ang Fil-Canadian forward ay nakapasok sa Mythical First Team, All-Defensive Team, at napiling Defensive Player of the Year noong 2019 season.

Si Calisaan ay kinuha ng Phoenix bilang isang free agent bago ang season at maglalaro sa kanyang ikatlong koponan makaraang mapili sa first round ng Magnolia sa 2019 draft.

Naglaro naman si Manganti para sa Batang Pier sa Philippine Cup bubble sa Clark sa kanyang rookie season, ngunit dinala ng koponan sa 3×3 unit ngayong taon.