INIHIHIRIT na rin ng ilang malalaking food company sa Department of Industry (DTI) ang dagdag presyo ng kanilang mga produkto.
Ito ang inihayag ni Assistant Secretary Ann Claire Cabochan ng Consumer Protection Group ng DTI na maliban sa dalawang manufacturers ng sardinas, humihirit na rin ng pagtaas sa presyo ang gumagawa ng processed milk o evaporated at condensed milk, at canned meat.
Ayon kay Cabochan, sinusuri muna nilang mabuti kung magkano sa kabuuang gastusin ng mga manufacturer na ito ang napupunta sa bayarin nito sa fuel at iba pang factor tulad ng halaga ng lata o lalagyan bago magpasya kung pagbibigyan ang kanilang kahilingan.
Titingnan muna aniya nilang mabuti kung justified o nararapat bang pagbigyan ang hirit na dagdag presyo o hindi.
Dahil dito, sinabi ni cabochan na patuloy pa rin nilang pinag-aaralan kung maglalabas ng panibagong suggested retail price (SRP) sa mga pangunahing bilihin.
Hindi naman kasi aniya lahat ay nanghihingi ng adjustment sa presyo ng kanilang mga produkto. Jeff Gallos