KAHAPON ng madaling araw, nabulaga ang mga mamamayan ng Metro Manila matapos ang walang puknat na buhos ng ulan. Nagsimula ito ng mga alas-tres ng madaling araw. Opo. Alam ko dahil nagising ako sa lakas ng ulan. Parang galit na galit ang langit o kaya’y todo ang pagluluksa ng ating Inang Kalikasan at lumuha siya nang todo-todo.
Ang PAGASA ay nagbigay ng babala ng mga alas-singko ng umaga na makararanas tayo ng malakas na ulan na may pagkulog at pagkidlat. Ang resulta ay bumaha ang mga mabababaw na lugar sa Metro Manila. Nagkabuhol-buhol ang trapiko mula ala-sais ng umaga at umabot hanggang alas-onse ng umaga.
Ang ibang bahagi sa kahabaan ng EDSA ay nagmistulang parking lot dahil walang sino man na may sasakyan ang nais mangahas na tumawid sa ilalim ng Cubao underpass at sa may Gate 3 ng Kampo Aguinaldo dahil sa tindi ng baha. Ayon sa balita sa radyo, ang trapiko papuntang norte sa EDSA na nahinto sa Cubao ay umabot ang buntot nito hanggang sa Makati. Walang galawan ito ha!
Ang maliliit na kalsada sa Metro Manila ay napuno rin ng mga sasakyan. Ito ay dulot ng paghahanap ng mga alternatibong daanan upang makaiwas sa EDSA. May makikita ka nga na mga pampublikong bus at jeepney na naghanap din ng ibang ruta upang makaiwas sa EDSA.
Marami akong kakilala na inabot ng apat na oras imbes na normal na isa’t kalahating oras na biyahe papunta sa kanilang mga opisina. Dagsa ang mga commuter na stranded sa gilid ng kalsada dahil wala silang masakyan na pampublikong jeep at bus.
Huwag nating sisihin ang MMDA sa mga sitwasyon na ganito. Ginagawa nila ang lahat ng abot kaya nila upang maibsan ang baha at trapiko sa Metro Manila. Subalit kapag nagsungit ang ating Inang Kalikasan, kahit anong modernong teknolohiya at sapat na paghahanda ay hindi natin kayang magwagi laban sa kanya.
Ang mga mas asensadong bansa tulad ng Amerika, France, England, Singapore at Japan ay may modernong disenyo ng malalaking drainage system upang kayanin ang mga ganitong klaseng lakas ng ulan. Gayumpaman, may mga pagkakataon pa rin ng pagbabaha dahil hindi pa rin makayanan kapag sobra ang buhos ng ulan. Maaring ito ay dulot ng sinasabi nilang ‘Climate Change’.
Nag-iiba na nga ang panahon. Sino ang mag-aakala na sa matinding buhos ng ulan na idinulot ng bagyong Ondoy ay halos kalahati ng Marikina, Quezon City, Pasig, San Juan at iba pang parte ng Metro Manila ay lumubog sa baha. Halos bubungan na lang ng bahay ang inyong makikita. Ilan din ang namatay sa nasabing baha. Ganoon din sa super typhoon Yolanda na halos winalis ang isla ng Leyte at Samar. Panalangin na lang natin na huwag nang maulit ito. Dasal din natin na huwag mangyari ang isang malakas na lindol sa atin.
Gayumpaman, tila talagang palabiro ang ating panahon. Hindi ba ninyo napapansin? Kadalasan, kapag ang Pagasa ang nag-anunsiyo ng orange o yellow rainfall alert, ito ay hudyat sa pagsuspende ng klase. Subali’t pagsapit ng mga alas-8 ng umaga ay nagiging maaraw sa buong maghapon. Natatandaan ko, mga tatlong linggo na ang nakararaan, nag-anunsiyo ang Pagasa ng matinding pag-ulan. Ang karamihan ng mga siyudad ng Metro Manila ay nag-anunsiyo ng pag-suspende ng klase subali’t hindi naman naranasan ang nasabing bagsik ng panahon.
Ngayong araw na lang. Matapos tayong ulanin nang todo-todo nitong umaga, walang anunsiyo ang ating mga mayor sa Metro Manila nu’ng umaga sa pagsuspende ng klase. Ang resulta ay nabaha ang ating mga mag-aaral. Nadawit ang lahat sa matinding trapik. Mga bandang alas-10 ng umaga, nag-anunsiyo si Quezon City Mayor Herbert Bautista ng suspensiyon ng klase sa lahat ng antas dulot ng matinding ulan. Pagsapit ng ala-1 ng hapon… matindi ang sikat ng araw… Haaay… talagang mapagbiro ang panahon.
Comments are closed.