Nitong Lunes, December 9, ay ginulantang ang mga residente ng Negros Island sa sunod-sunod na pagputok ng Bulkang Kanlaon.
Mula sa Alert level 2, itinaas sa level 3 ang paligid ng bulkan habang pinalikas na ang mga residenteng malapit sa bulkan bunsod ng pyroclastic density current na lubhang mapanganib sa kalusugan.
Habang ang posibilidad ng pagbuga ng lahar ay ibinabala na rin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Kahapon ay inabisuhan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) Antique ang kanilang mamamayan na magsuot ng facemask bilang precautionary measure matapos na umabot sa lalawigan ang ashfall mula sa pumutok na Bulkang Kanlaon sa isla ng Negros.
Ayon kay PDRRMC Antique head Broderick Gayona-Train, apektado ng ashfall ang mga bayan ng Patnongon, Sibalom, San Remegio, Hamtic, San Jose, Belison, Tobias Fornier at Anini-y.
Kaugnay nito, kinansela ang ilang aktibidad sa Binirayan Festival sa San Jose para sa kaligtasan ng lahat.
Patuloy ang kanilang close coordination sa Office of the Civil Defense para sa dagdag na mga kaukulang impormasyon.
Sa kasalukuyan ay mahigpit na mino-monitor ang sitwasyon at ipinalala sa lahat ang limitadong paglabas sa kanilang bahay lalo na sa mga bayan na apektado ng ashfall.