MAGIGING sentro ng panalangin ng mga Muslim ngayong pagsisimula ng Ramadan ang kapayapaan sa darating na May 9 elections.
Ayon kay Sultan Mutalib Sambuto, Muslim Affairs Chief ng South Cotabato, layon ng kanilang pag-aayuno na maging payapa, malinis at matagumpay ang gaganaping national at local elections.
Ngayong nasa alert level 1 na ang ibang lugar sa probinsiya, asahan ang pagbabalik sa normal ng kanilang selebrasyon gaya noong wala pang COVID-19 pandemic.
Nakiisa at nag-obserba ang mga Pilipinong Muslim sa pagsisimula ng buwan ng Ramadan.
Sa Golden Mosque sa Quiapo, Maynila, maagang dumating ang mga mananampalataya para sa pagdarasal na nagsimula pasado alas-4:00 ng madaling araw ng Linggo.
Nasasabik naman silang magawa ito dahil hindi pinapayagan ang mga Muslim na pumunta sa Golden Mosque para sa Ramadan noong mga taong 2020 at 2021 bunsod ng COVID-19 pandemic.
Ang Ramadan ang ikasiyam at pinakabanal na buwan sa Islamic calendar na nanawagan para sa panalangin at pag-aayuno.
Sa nasabing buwan, hindi sila kakain maliban sa mga mayroong problema sa kalusugan at hindi rin magkakaroon ng sexual activity at maninigarilyo.
Magtatapos ang buwan ng Ramadan sa Eid Al-Fitr.