MAPIGILAN KAYA NG BOSSING ANG BEERMEN?

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)

4:30 p.m. – Blackwater vs San Miguel

7:30 p.m. – TNT vs Converge

MATAPOS ang ika-9 na panalo sa parehong dami ng laro, ang San Miguel Beer ay walang senyales na magkakampante sa PBA Philippine Cup.

Sa laro ngayong Miyerkoles sa alas-4:30 ng hapon sa PhilSports Arena, ang  Blackwater Bossing naman ang susubok na pigilan ang Beermen.

Ang panalo ng Blackwater ay hindi lamang tutuldok sa kanilang six-game losing streak at mag-aangat sa kanilang  record sa 4-6, kundi magbibigay rin sa kanila ng tsansa na tumabla sa isa sa huling slots sa eight-team quarterfinals.

Ang panalo kontra Beermen at laban sa Phoenix Super LPG sa Sabado sa Ynares Arena sa Pasig ay magtatabla sa Bossing sa NorthPort Batang Pier at iba pang koponan na tatapusin din ang eliminations na may 5-6 kartada.

Sa kabila ng pagiging unbeaten sa conference ay wala namang plano ang San Miguel na mag-relax.

“Our next goal is the 10th win,” wika ni coach Jorge Gallent makaraang igiya ang SMB sa 120-103 panalo laban sa NLEX noong Linggo na sumiguro sa koponan ng top seeding at win-once advantage laban sa No. 8 team sa susunod na round.

“We are going step-by-step. Monday, Tuesday, we will prepare for Blackwater and for now, we will just think of the 10th game. We will think of Blackwater,” ani Gallent.

“On Wednesday, we will play Blackwater. We will prepare against Blackwater and then Saturday, against Meralco,” dagdag ni Gallent. “As of now, Meralco isn’t even in our heads because we are playing Blackwater on Wednesday.”

Wala pang koponan na naka-sweep sa elims magmula nang magwagi ang Talk N Text sa lahat ng siyam na laro nito sa classification phase ng 2014 Commissioner’s Cup.

Sinabi ni Gallent na magiging malaking achievement para sa koponan kung mawawalis nito ang elimination round. Subalit mabilis niyang idinagdag na hindi nila hahayaang ma-distract ng trivia na ito ang kanilang layunin.

“If it comes, it comes, but that’s not really in our minds,” paalala ni Gallent. “We just do it step-by-step, prepare for every team when it comes.”

Bukod dito, ang kanilang razor-sharp edge ay dapat na makatulong sa SMB sa pagdating ng playoffs.

“Gusto naming manalo, gusto naming makuha ‘yung No. 1 spot kasi ‘yun naman ang goal namin bago pa nag-start ‘yung conference,” pahayag ni Beermen prized center June Mar Fajardo. “And then nakuha na namin ‘yun. So ang challenge ngayon is how to stay on top.”

Sa main game sa alas-7:30 ng gabi ay magsasalpukan ang TNT at Converge.

CLYDE MARIANO