MARAMING BUHAY SA ‘LARONG PATAY’

rey briones

Tumawag sa Sentido Komun ang isang Suki mula sa nagdarahop na purok sa Kyusi.

“Aydol pakibanggit naman sa iyong kolum ang aming pasasalamat kay PNP chief Gamboa, kasi pinayagan na n’ya ang mga larong baraha sa lamay ng patay.”

Ayaaan, Gen. Gamboa, Sir… Salamat daw!

oOo

Suki, hubad na katotohanan sa buhay ng mara­litang pamilya ang ayudang nanggagaling sa tinatawag na ‘patay-patay.’

Sa diretsong salita ay ‘sugal sa lamayan.’

Iba’t ibang laro, Suki.

Tong-its man, sakla o mahjong.

Ang importante ay ang ‘saka’ o ang porsiyento para sa pamilyang namatayan.

Kasi iyon ang dahilan, Suki, kung bakit ilegal man ay pikitmatang tinatangkilik ng mga nagluluksa ang sugal sa lamayan.

Upang maihatid sa huling hantungan ang nakahimlay na bangkay.

Na hindi kayang tustusan ng pondo ng gobyerno… mula sa antas ng barangay hanggang palasyo ng Malakanyang.

Derpor, katuwang ng gobyerno ang pribadong mamamayan na tumatangkilik ng ‘sugal sa lamayan’ upang tugunan ang pangunahing panga­ngai­langan ng mga namatayan — ang pera.

May mga politiko, Suki, na naglalaan ng pondo sa kanilang tinawag na social services program.

Pero ang palagiang problema ay ang kakulangan ng pondo mula sa kaban ng bayan.

Tanungin n’yo sila, Suki, kung may bahid ng kasinungalingan ang sinabi ko.

oOo

Mga pulis man, Suki, ay nakikinabang sa sugal sa mga lamayan.

Opkors, ‘yong mga walang budhing nakikiamot sa kakarampot na ‘saka’ sa halip na taos-puso sanang makiramay sa namatayan.

Kaya nga ipinag-utos noon ng PNP chief na agarang suyurin ng awtoridad maging ang su­ga­lan sa mga lamay.

Sa halip na ang malalaking ilegalista o gambling lord ang unang puksain.

Kayo ay ang mga sumasabotahe ng ekonomiya… ‘tulad ng mga ismagler at gumagawa ng produktong mga peke. Pero, ayon nga sa sinabi ng tumawag nating Suki: “Salamat na rin at naliwanagan ang isip ni Boss Chief Gamboa.”