MULING diniinan ni Senador Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng pagpapabuti at pangangalaga sa mga lokal na magsasaka at industriya sa gitna ng niratipikahang Regional Comprehensive Economic Partnership agreement kamakailan.
Sa isang ambush interview matapos ang kanyang personal na inspeksiyon sa Super Health Center sa Rizal, Nueva Ecija, ipinaliwanag ni Go na dapat ay mas marami pang interbensyon at suporta ang ibigay ng gobyerno sa mga lokal na magsasaka para maging mas competitive ang mga ito, lalo na ang mga magsasaka ng palay sa lalawigan na kilala bilang rice granary ng bansa.
“Importante po rito, unang-una, dapat po ay protektado po ang ating mga farmers, lalong-lalo na po sa Nueva Ecija na kilala bilang rice granary of the Philippines,” saad ni Go.
“Gawin nating mas competitive po ang local farmers natin. Ibig sabihin, dapat po ang gobyerno ay papasok dito. Mas maraming intervention, mas maraming suporta po para sa kanila,” dagdag nito.
Sa pagpapaliwanag ng kanyang affirmative vote sa pagpapatibay ng kasunduan, naniniwala si Go na sa bukas na kompetisyon bilang resulta ng RCEP, dapat bumaba ang presyo ng mga bilihin, at dapat makinabang dito ang mga ordinaryong Pilipino, lalo na ang mahihirap.
“Bumoto po ako sa RCEP dahil ako po ay naniniwala na sa mas malawak na open competition, mas bababa po ang presyo (ng mga bilihin).
“Ibig sabihin, kapag bumaba po ang presyo ng iba’t ibang produkto, ang mga ordinaryong Pilipino po ang makikinabang dito lalo na mga Pilipinong mahihirap na isang kahig isang tuka. ‘Yung gumagastos araw-araw, napakahalaga po sa kanila bawat piso, bawat sentimo na pagtaas ng presyo,” dagdag nito.
Aniya, sa RCEP basta ginarantiyahan ng Executive Department na protektado ang mga magsasaka sa open competition. “Mas bababa ang presyo ng mga bilihin. ‘Yan po ang aking paniniwala sa eksplanasyon ng ating mga finance manager during the time na nag-deliberate po kami sa RCEP sa Senado… benepisyo sa bansa na ipinangako po ng ating Executive Department,” dagdag nito.
Ang RCEP ay opisyal na niratipikahan ng Senado noong Pebrero 21, na may boto na 20-1-1. Ang Pilipinas ang huling bansang lumagda sa kasunduan maliban sa Myanmar.
Mula noong Enero 1, 2021, ang kasunduan sa malayang kalakalan ay may bisa para sa mga kalahok na bansa na niratipikahan ang RCEP kamakailan.