ITO ang tumambad sa online news kahapon kaya naman hindi ko mapigilan na magbigay ng opinyon dito.
Iminulat lamang sa mga mata ng mamamayan sa pamamagitan ng lumabas na istorya kahapon, ang isang bagay na masasabi natin na ‘obyus’ o talagang mangyayari sa mga agaw-buhay na pasyente na nasa loob ng ambulansiya kapag naipit sila sa matinding trapik sa kahabaan ng EDSA. Mala-ki ang tsansa na maari silang mamatay kapag hindi sila nadala sa ospital upang mabigyan ng agarang lunas. Sa madaling salita ‘emergency’.
Subali’t sa tindi ng trapik sa EDSA at ang ugali ng mga karamihan ng mga motorista natin, hindi sila magbibigay kahit ambulansiya man ito. Na-kalulungkot. Nakadidismaya.
Malinis ang aking konsensiya rito. Noon pa man ay tumatabi ako kapag may naririnig na akong sirena o wang wang na paparating sa likod ko. Sa katunayan ay nahihirapan pa akong tumabi dahil ayaw magbigay ng motorista sa tabi ko. Akala niya ay sisingit ako sa linya niya! Susmaryosep. Hindi ba niya naririnig ‘yung malakas na tunog ng sirena?!
May mga siste rin iyan na pinagdududahan nila ang ambulansiya na wala talagang emergency na nagaganap bagkus ay gusto lamang gamitin ang sirena upang makaiwas sa trapik. Ano ba ‘yan!
Ang ibang gunggong na motorista ay pipilitin na bumuntot sa likod ng ambulansiya upang makisabay sa pagmamadali ng nasabing sasakyan. Sa totoo lang, nahihiya at naiinis ako sa mga taong gumagawa nito.
May makikita ka pa na mga motorista riyan na binubusinahan na ng mga sasakyan sa likod niya na umabante subali’t nagtatanga-tangahan at ayaw gumalaw na mapagbigyan na umusad ang linya sa tabi niya upang magkaroon ng puwang na makaraan ang ambulansiya.
Ang problema kasi talaga sa karamihan sa ating mga motorista ay kulang sa edukasyon at walang disiplina sa tama o wastong asal bilang isang mo-torista. Hindi ba nila naiisip na kaya nagmamadali ang mga ambulansiya ay dahil may isang maaring nag-aagaw buhay sa loob ng na kailangang dalhin sa opsital sa pinakamabilis na paraan?
Sa lahat ng naiipit sa traffic. Hindi lamang sa kahabaan ng EDSA. Isama na natin ang lahat ng kalsada. Kapag may marinig kayong sirena ng ambu-lansiya, talasan na ninyo ang inyong paningin sa pamamagitan ng inyong rear view mirror at hanapin kung kayo ay nakasasagabal sa daanan nito. Tumabi kayo at magbigay daan sa mga ambulansiya.
Tandaan na maaring may nag-aagaw buhay na pasyente sa loob nito. Isipin na lang natin na tumutulong tayo upang makasalba ng buhay ng isang tao. Huwag tayo maging makasarili.
Comments are closed.