MARAMI pa ring mga ina ang ayaw magpabakuna ng kanilang mga anak, sa kabila ng pagsusulputan na ng iba’t ibang karamdaman, na maaaring magdulot ng kamatayan sa mga batang tatamaan nito.
Ayon kay Department of Health (DOH) Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire, sa Maynila pa lamang ay nasa 11 porsiyento na ng mga ina ang tumatangging makiisa sa immunization campaign ng pamahalaan laban sa polio.
Karamihan a sa mga ito ay yaong mula sa mahihirap na sektor ng lipunan.
Sinabi ng opisyal na taong 2016 pa nang maiulat na maraming ina ang ayaw pabakunahan ang kanilang mga anak.
“We don’t know why, we have asked some, of course there would be this controversy, others would be not believing these vaccines,” ani Vergeire, sa panayam sa telebisyon.
Noong nakaraang buwan ay nagsagawa sila ng immunization campaign kontra polio sa Maynila ngunit nasa 11 porsiyento ng mga ina ang ayaw makiisa dahil hindi umano ito kailangan ng kanilang mga anak.
“The mothers were saying they don’t need it. The mothers were saying the child already had the vaccination before. These kinds of reasons have been given to us when we went to the city of Manila,” anang health officials.
Nanindigan naman si Vergeire na kailangang mabigyan ng bakuna ang mga batang limang taong gulang pababa.
Kahit pa ano aniya ang immunization status ng mga bata ay bibigyan pa rin nila ng bakuna ang mga ito.
Paniniyak niya, wala namang side effect ang oral polio vaccine, na sinimulang gamitin noong 1970s, at wala ring masamang lasa.
Matatandaang noong nakaraang linggo, kinumpirma ng DOH na nakapagtala sila ng dalawang bagong kaso ng polio sa bansa, matapos ang 19-taong pagiging polio free.
Isang bata sa Maynila rin ang kumpirmadong namatay dahil sa diphteria, habang maraming lugar ang nagkaroon ng measles outbreak.
Nagdeklara na rin naman ang DOH ng national dengue epidemic dahil sa patuloy na pagdami nang naitatalang dengue cases. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.