MARAMING TUBIG, MARAMING BUHAY

Excited na raw ang mga residente sa Trinidad Bohol dahil sa malapit na silang magkaroon ng malinis na tubig sa kanilang lugar.

Ang tubig ay buhay, katagang hindi na bago sa ating pandinig na halos 70% na laman ng ating katawan ay binubuo nito. Sa katunayan ito’y likas na yaman na kinakailangan ng mga tao.

Kaya nga paulit ulit nating binibigyang diin ang kahalagahan ng sapat at malinis na tubig, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.’Yun nga lang sa pagdami ng populasyon sa bansa at kawalang disiplina ay makakatiyak pa ba tayong Pilipino ng sapat na tubig?

Ayon nga sa pahayag ng United Nations, isang kasangkapan upang masigurong ligtas ang kalusugan ay magkaroon ng sapat na suplay ng tubig.

Teka balik tayo sa bayan ng Trinidad kung saan ito’y may layong 70 kilometro at dalawang oras ang lalakbayin mula sa Tagbilaran City.

Walang malinis na inumin sa nasabing bayan kaya naman talagang sabik na sabik ang mga residente rito na magkaroon ng potable water.

Mahabang panahon na nga naman na ang kanilang naging sakripisyo sa mga ginagamit na tubig sa pang araw-araw ay binibili at inirarasyon sa mga bahay-bahay sa nasabing lugar.

Muling nakatawag ng pansin sa Kaliwat Kanan ang usapin ng tubig sa Bohol. Hindi naman pala tumitigil ang mga kinauukulan na bigyang prayoridad ang programa ng gobyerno sa tubig ng buhay.

Nagkaroon na pala ng pirmahan ng kontrata sa pagitan nina Trinidad Mayor Roberto Cajes at Ralph Baquial Lim ng Richli Corporation para ito ang magsuplay ng potable bulk water.

Kaya naman walang pagsidlan ng tuwa ang mga mabibiyayaan ng nasabing proyekto.

At hindi lamang ‘yun, malaki rin ang kapakinabangan ng Trinidad Municipal College dahil magkakaroon na rin ng tubig dito.

Sa ilalim ng kolaborasyon ng dalawang panig ay makakatiyak umano na ang mga residenteng dadaanan nito ay makaka-akses din ng potable water.

Sabi ng mga kakilala natin sa Trinidad, buong akala nila ay hindi na sila makakaranas na magkaroon ng malinis na tubig, kaya naman sobra ang kanilang excitement para sa nasabing proyekto.

Tinitiyak din naman ng Local Government Units na bawat patak ng malinis na tubig ay mahalaga.Sabi nga “More Water, More Life”.

Ang Richli ay magco-construct ng water treatment plant sa kapasidad na 1 milyon litro bawat araw sa Ipil River, Hinlayagan, Ilaud, Trinidad.

Sa unang bahagi pala ng nasabing proyekto ay pinondohan na ng P100M.

Nakakatuwang isi­pin na ang konstruksyon ay magsisimula na at umano’y matatapos sa loob ng anim na buwan.

Nanalangin ang Kaliwat Kanan na sana’y ang ibang mga opisyal ay may ganyan ding kaisipan ng Mayor ng Trinidad.