(Maraming volunteers ang kailangan- DILG) ‘BAYANIHAN, BAKUNAHAN 4’ ITINAKDA NGAYONG MARSO

IPINAHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na kailangan ng pamahalaan ng mas marami pang volunteers para sa idaraos na ika-apat na bugso ng ‘Bayanihan, Bakunahan’ National COVID-19 Vaccination Program o ‘Bayanihan, Bakunahan 4’ sa bansa sa ikalawang Linggo ng Marso.

“Sa ngayon, ang iluluto natin niyan ay ‘yung mga nitty-gritty at saka we need volunteers, more volunteers,” ayon kay Año sa isang panayam.

Una nang sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary at National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson Dr. Myrna Cabotaje nitong Sabado na ang inisyal na panukala ay maidaos ang naturang nationwide vaccination drive sa Marso 7, 2022.

Sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III na prayoridad nila na mabakunahan sa naturang Bakunahan 4 ang mga kabataan at mga senior citizen na kabilang sa vulnerable group sa COVID-19.

Samantala, sinabi ni Año na upang mapalakas pa ang vaccination drive sa bansa, isinusulong na rin ng pamahalaan ang isa sa mga inisyatiba ng gobyerno, partikular ng Department of Tourism (DOT) na madala na rin ang mga bakuna sa tourist destinations at hikayatin ang mga turista na magpaturok din.

“‘Yan ang ating mga ginawang priorities—‘yung mga economic hubs, mga highly-urbanized cities, independent and component cities, ‘yung mga tourist hubs natin. ‘Yan ang inuna natin kasi ‘yan ‘yung importante. Diyan se-sentro ang ikot ng komersiyo at saka tourism,” anang kalihim.

“Makakaasa kayo na marami mga tourist spots din ang magbubukas pa sa susunod na mga araw,” dagdag pa niya.

Iniulat din ng DILG Chief na sa ngayon ay nasa 63 milyong Pinoy na ang fully vaccinated laban sa COVID-19.

Target ng pamahalaan na makapag-fully vaccinate ng may 77 milyong Pinoy laban sa COVID-19 sa pagtatapos ng Marso at 90 milyon naman bago tuluyang bumaba sa puwesto si Pangulong Duterte sa Hunyo 30. EVELYN GARCIA