INAKO ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang responsibilidad sa madugong pagpapasabog sa isang Catholic Mass sa Marawi State University noong Linggo, ayon sa Reuters news agency makaraang isisi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa foreign terror groups ang insidente.
Nangako si Presidente Marcos na walang awang tutugisin ang mga dayuhang terorista na may kinalaman sa pagpapasabog na ikinasawi ng apat katao at ikinasugat ng 50 iba pa.
Tinukoy na rin ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang persons of interest na naninirahan sa Lanao del Sur, subalit hindi pa ibinunyag ng mga awtoridad ang kanilang pagkakakilanlan.
Sinabi ng Islamic State group, na may impluwensiya sa katmugan ng bansa, sa Telegram na ang mga miyembro nila ang nag-detonate ng bomba
Kasunod ng pambobomba ay hinigpitan ang seguridad sa rehiyon at sa buong Metro Manila.
Nauna nang tiniyak ni Presidente Marcos sa publiko na kontrolado ng gobyerno ang sitwasyon at tinutulungan nito ang mga biktima ng terrorist attack.
Nagpaabot ng pakikiramay ang Pangulo sa pamilya ng mga biktima, at isinisi sa foreign terrorists ang pambobomba.
“I condemn in the strongest possible terms the senseless and most heinous acts perpetrated by foreign terrorists upon the Mindanao State University (MSU) and Marawi communities early this Sunday morning. Extremists who wield violence against the innocent will always be regarded as enemies to our society,” pahayag ni Presidente Marcos sa isang statement.
“I extend my most heartfelt condolences to the victims, their loved ones, and the communities that have been the target of this latest assault on peace. Government assistance to those impacted is ready and forthcoming,” dagdag ng Pangulo.
Sinabi ng Pangulo na masusing nakikipagtulungan ang pamahalaan sa regional government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at sa mga kinauukulang local government units para sa kanilang mabilis na pagtugon sa “pinakabagong pag-atake sa kapayapaan”.