MARAWI COMPENSATION BILL IPASA BAGO BUMABA SI DUTERTE

NANAWAGAN si da­ting Quezon City mayor at tumatakbo ngayong senador na si Herbert “Bistek” Bautista sa Malakanyang at sa kamara na ipasa na ang Marawi Compensation bill para matulungang makabalik sa normal nilang pamumuhay ang tatlong daang libong Maranao at iba pang katutubo sa Marawi City na napilitang lumikas sa kasagsagan ng Marawi siege.

Halos limang taon na ang nakararaan nang kubkubin ng ekstremistang grupong Islamic state ang Marawi city. Naging madugo ang naging bakbakan sa pagitan ng mga puwersa ng gobyerno at miyembro ng Islamic state na nagbunga ng pagkawasak ng buong lungsod.

Ani Bautista, dapat na madaliin ang naturang panukalang batas para maibigay ang dapat na tulong sa mga biktima ng Marawi siege kung saan marami pa rin sa kanila ang nagtitiis na tumira sa mga barung-barong o nakikisilong sa kanilang mga kamag-anak.

Umaasa si Bautista na ang pagkakapasa ng Senate bill bilang  2420 sa ikatlo at huling pagbasa ay agad naman matalakay ito sa bicameral conference committee para mapirmahan na ni Pangulong Duterte.

Ayon kay Bautista, kapag naipasa ito ang magiging pamanang batas ng ika-labing walong kongreso at ni Pa­ngulong Duterte mismo sa mga Maranao at iba pang Muslim sa lungsod ng Marawi.