MARCELITO POMOY: ISANG KAKAIBANG MANG-AAWIT

Magkape Muna Tayo Ulit

MAIBA naman tayo sa paksa ngayong Sabado. Balot na balot tayo sa mga hamon na ibinigay mula nang mag-alboroto ang Bulkang Taal. Halos isang linggo na at hanggang ngayon ay naghihintay tayo kung ano ang mga susunod na mangyayari sa nasabing bulkan. Sana na-man ay humupa na ang Taal Volcano.

Ang nais kong bigyan pansin ngayon ay isang hindi gaanong kilalang mang-aawit na Filipino na pinahahanga ang buong mundo. Siya ay si Mar-celito Pomoy na tubong Surigao. Hindi siya tulad ng mga sikat at po­ging mang-aawit natin na hinahangaan ng masa.

Una kong napansin si Pomoy nang lumabas ang balita na pinamangha niya ang mga kilalang hurado sa sikat na programa sa te­lebisyon na ‘Ameri-ca’s Got Talent’. Ang mga sikat na hurado roon ay sina Alesha Dixon na isang kilalang mang-aawit at rapper mula Britanya; Howie Mandel na isang sikat na Canadian na komedyante at aktor; Heidi Klum na isang sikat na super model mula Germany at si Simon Cowell na kilala bilang isang record producer at talent manager. Mas kilala si Simon Cowell bilang nagpasikat ng isa pang ta­lent search na programang ‘Amercian Idol’.

Balik tayo kay Marcelito Pomoy. Bago siya umawit sa ‘America’s Got Talent’, maikling isinalaysay ang kanyang buhay kung saan siya nagsimula. Siya pala ay iniwan ng kanyang mga magulang noong bata pa siya. Ang kanyang ama ay nakulong sa bilangguan, samantalang nilayasan siya ng kanyang ina marahil dulot ng kahirapan.

Natuto siyang umawit dahil naging kasangga niya ito tuwing siya ay natatakot, nalulungkot at nahihirapan kung paano niya maitawid ang kanyang pang araw-araw na buhay. Nagtrabaho siya sa isang bilyaran at doon naririnig ng mga prokyano  kung gaano siya kagaling umawit.

Noong 2011, inudyukan siya na sumali sa ‘Philippines’ Got Talent’ at nagwagi siya. Naging daan din ang nasabing programang telebisyon na mag-sama-sama muli sila ng kanyang mga magulang. Subali’t hindi siya gaanong sumikat sa loob ng siyam na taon. Malamang iilan lang sa atin ang may kilala kay Marcelito Pomoy bago natin nabalitaan ang pagsali niya sa ‘America’s Got Talent’.

Subali’t noong hina­nap ko siya sa YouTube, ako ay namangha kung gaano pala siya kasikat sa social media. May estilo kasi sa YouTube kung saan may mga vlogger na manonood ng isang video sa kauna-unahan. Hindi pa nila alam kung ano ang mapapanood nila at magbibigay sila ng kanilang reaksiyon.

Si Marcelito Pomoy kasi ay may talento sa pag-awit ng boses babae at boses lalaki. Sa sobra niyang galing, kapag ipinikit mo ang iyong mga mata, akala mo ay tunay na babae ang kumakanta. Sumikat siya noong naghandog siya ng awit ng ‘The Prayer’. Ito ay isang dueto nina Celine Dion at ang Italyanong mang-aawit na si Andre Bocelli. Susmaryosep, sa sobrang galing ni Pomoy, akala mo ay sina Dion at Bocelli ang umaawit!

Makikita mo ang lahat ng mga nakinig sa YouTube sa awit ni Pomoy ay nabibigla at nabubulaga. Hindi sila makapaniwala na isang tao lamang ang umaawit ng ‘The Prayer’. Matatawa sa kanilang mga reaksiyon. Mga banyaga sila sa iba’t ibang bansa. Amerikano, Aleman, Ital­yano, Ruso, Koryano, Arabo at marami pang iba ay bilib na bilib kay Pomoy. Tunay ang kanilang pag-mangha sa kanya. Sana ay maipagpatuloy ni Pomoy ang lahat ng mga ambisyon niya sa buhay at makamit ang mga ito sa talentong ipinagkaloob ng ating Panginoon sa kanya. Saludo po ako sa inyo Ginoong Marcelito Pomoy.

Comments are closed.