MARCH INFLATION HUMUPA SA 7.6%

BSP-INFLATION

BUMABA pa ang inflation noong nakaraang buwan sa 7.6% sa likod ng mas mabagal na paggalaw sa presyo ng pagkain, transportasyon, at utility, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Ito ay mas mabagal kumpara sa 8.6% na naiposte noong Pebrero.

Gayunman, mas mabilis pa rin ito sa 4% inflation rate noong March 2022.

Ang inflation rate noong nakaraang buwan ay pasok sa projection range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 7.4% hanggang 8.2% para sa buwan.

“Ang pangunahing dahilan ng pagbagal ng antas ng inflation nitong Marso 2023 kaysa noong Pebrero 2023 ay ang mas mabagal na paggalaw ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages,” ayon kay National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa.

Ang commodity group ay may 50.5% share sa overall decline sa inflation rate noong nakaraang buwan.

Ayon kay Mapa, ang inflation para sa Food and Non-Alcoholic Beverages ay bumaba sa 9.3% mula 10.8% sa likod ng mas mabagal na rate increase sa vegetables (20% mula 33.1%), meat (4.6% mula 6.5%), at sugar and other confectionery (35.2% mula 37%).

“Ang pangalawang nag-ambag sa pagbagal ng antas ng inflation ay ang mas mabagal na paggalaw ng presyo ng Transport na may 5.3% inflation at 29.8% share sa pagbaba ng pangkalahatang inflation sa bansa nitong Marso 2023,” aniya.

Ang mas mabagal na Transport inflation ay resulta ng pagbaba sa presyo ng gasoline na may -7.4% inflation mula 3.8% noong Pebrero at diesel na may -6% rate mula 14.2% sa naunang buwan.

Ang ikatlomg commodity group na nakapag-ambag sa paghupa ng inflation noong Marso ay ang Housing, Water, Electricity, Gas and Other Fuels, na may 7.6% inflation (mula 8.6%) at 19.1% share sa overall decline.

Ang iba pang commodity groups na nakatulong sa pagbagal ng inflation noong nakaraang buwan ay ang Health at Information and Communication, na may inflation rates na 3.9% at 0.7%, ayon sa pagkakasunod.

Umaasa ang BSP na mananatili ang inflation sa above average sa 6 percent sa 2023 bago humupa sa 2-4 percent target range sa 2024.