MARCIAL NASA US NA PARA SA TRAINING CAMP

Eumir Felix Marcial

DUMATING na si Filipino boxer Eumir Felix Marcial sa United States kung saan siya maghahanda para sa kanyang ikalawang laban bilang isang professional.

Ang Tokyo Olympics bronze medalist ay dumating sa US nitong Martes ng umaga para simulan ang kanyang training camp para sa isang laban sa Abril.

Inasikaso muna ni Marcial ang mga business at personal matters, kabilang ang kasal nila ng asawang si Princess, bago muling itinuon ang kanyang atensiyon sa kanyang boxing career.

“Finally, I can now fully focus on my training,” sabi ni Marcial.

“I was told to prepare for a scheduled outing,” aniya. “I need to be in excellent shape because I want to get back in the ring soon and also make myself available for the national team by May.”

Bagama’t kasalukuyan siyang nakatuon sa kanyang nalalapit na professional bout, target din ni Marcial na sumabak sa 31st Southeast Asian Games na gaganapin sa May 12-23 sa Hanoi, Vietnam. Si Marcial ay gold medalist sa huling tatlong edisyon ng biennial meet.

Mula sa LA, si Marcial ay lilipad sa Las Vegas para  makasama si conditioning coach Angel Memo Heredia sa mid-February.

“I thank Sir Sean (Gibbons, MP Promotions president) and Senator Manny (Pacquiao) for making sure I get the best possible team here in the US. I know a lot of great things that Coach Memo has done that’s why it excites me a lot that I will also be under Memo’s program,” sabi ni Marcial.

Ang 26-anyos na si Marcial ay pumirma sa isang multi-year contract sa MP Promotions ni Pacquiao noong July 2020, pagkatapos ay sumalang sa kanyang  pro debut noong December ng kaparehong taon kung saan tinalo niya si American Andrew Whitfield sa four-round bout sa Los Angeles.