NANATILING walang talo si Eumir Marcial bilang isang professional boxer matapos ang impresibong stoppage win kontra Ricardo Villalba ng Argentina nitong Sabado sa Alamodome sa San Antonio, Texas.
Dalawang beses na pinabagsak ni Marcial si Villalba tungo sa second round technical knockout victory.
Umangat ang Tokyo Olympian sa 4-0 sa kanyang professional career.
Nakontrol ni Marcial ang buong sagupaan, kung saan ipinamalaa niya ang lakas na nagdala sa kanya sa kasikatan sa amateur level.
Pinabagsak niya si Villalba sa unang pagkakataon sa huling 23 segundo ng opening round, kung saan ginawa niyang punching bag ang katawan ng katunggali. Nagawang ma-beat ni Villalba ang eight-count subalit halatang nangangatog sa pagtatapos ng round.
Sa second round ay muling nanalasa si Marcial, bumanat ng right hook sa ulo ni Villalba na muling nagpabagsak sa Argentine. Bagama’t nakatayo siya ay minabuti ng referee na itigil ang laban.
Ito ang ika-4 na sunod na pagkatalo ni Villalba, na nahulog sa 20-8-1 sa kanyang professional career.
Si Marcial ay lumaban sa unang pagkakataon magmula noong October 2022, nang talunin niya si Steven Pichardo sa Carson, California.
Ang laban ay undercard ng Rey Vargas-O’Shaquie Foster showdown.
Sa panalo ay tumaas ang morale ni Marcial sa kanyang mga susunod na laban sa Southeast Asian Games, Asian Games, Asian Boxing, at World Boxing.
CLYDE MARIANO