TINIYAK ni Eumir Felix Marcial na hindi nakagugulo sa kanyang kampanya sa Tokyo Olympics ang mga alok sa kanya na maging professional boxer.
Ayon sa 24-anyos na Olympian, nagsimula siyang makatanggap ng mga alok na maging pro noong 2018, subalit hindi ito naging hadlang upang magwagi siya ng silver sa world championships at masikwat ang ikatlong sunod na gold sa Southeast Asian Games.
Sinabi ni Marcial na bagama’t pinag-aaralan niya ang naturang mga alok ay nais muna niyang tutukan ang pagkampanya sa Olympics kung saan hangad niyang maiuwi ang mailap na ginto sa quadrennial meet.
“Isa lang ang tinitiyak ko sa lahat – na ako ay lalaban sa Olympics at ibubuhos ang hanggang huling patak ng aking dugo at pawis makuha lang natin ang inaasam na Olympic gold,” aniya.
Si Marcial ay nakakuha ng ticket sa Olympics makaraang madominahan ang middleweight division ng regional Olympic qualifiers noong nakaraang Marso.
Nakatakda sana siyang sumabak sa kanyang unang Olympics sa Hulyo, subalit ipinagpaliban ang Games sa susunod na taon dahil sa COVID-19 pandemic.
Bukod kay Marcial, pasok na rin sa Tokyo Olympics ang kapwa niya boksingero na si Irish Magno, at sina pole vault specialist Ernest John Obiena at gymnast Carlos Edriel Yulo.
Malaki ang pag-asa na madagdagan pa ang mga qualifier, partikular sa hanay ng mga boxer kung saan magtatangka rin sina Nesthy Petecio, Marjon Pianar, at Hergie Bacyadan.
Umaasa si ABAP secretary general Ed Picson na makalulusot sa matinding pagsubok ang ibang aspirants.
“Hopefully, the other aspirants pass the acid test and join Marcial and Magno to Tokyo,” wika ni Picson. CLYDE MARIANO
Comments are closed.