SINSERO ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na maiahon ang ekonomiya kaya nagpanukala ito ng P5.268 trilyon para sa tinawag niyang ‘Unity Budget’ para sa susunod na taon na inihain sa Kongreso sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM).
Ang panukalang budget ng Marcos administration ay itinuturing na pinakamataas na isinulong ng Malacanang sa Kongreso para gamitin sa mahahalagang proyektong pangkaunlaran at pangkabuhayan.
Sa laki ng 2023 budget, pursigido rin si Finance Seretary Benjamin Diokno na puwersahin ang Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na pag-igihin pa ang koleksiyon sa buwis, magsagawa ng massive tax campaign, paigtingin ang kampanya laban sa smuggling activities, kumbinsihin ang taxpayers na tulungan ang gobyerno na makalikom ng malaking halaga sa pamamagitan ng tamang pagbabayad ng buwis, iwasan ang pandaraya at sugpuin ang katiwalian.,
Ang 2023 national budget ay inilarawan ni DBM Secretary Amenah Pangandaman bilang gastusin ng gobyerno na tinawag niyang ‘proactive and resilient’.
Sabi ni Secretary Pangandaman na ang naturang budget ay sumasalamin sa mga prayoridad na sektor ng gobyernong Marcos na inilaan para sa edukasyon, pagpapaunlad ng inprastraktura, kalusugan, agrikultura at social safety nets.
Bahagi rin ng nasabing budget ang pagpapatuloy sa gastusin sa mga imprastruktura tulad ng mega-subway, airports sa mga regions, mga riles ng tren, mga bagong kalsada – kasama na ang farm-to-market projects na nasa ilalim ng sariling programa mismo ni Presidente Marcos na may temang “Buld-Better-More” na halos kahalintulad o maaaring higit pa sa naging matagumpay na proyekto ni former President Rodrigo ‘Digong’ Duterte na ‘Build Build Build‘ project.
Kapansin-pansin naman na ang education cluster sa ilalim ng pamamahala ni Vice President and Education Secretary Inday Sara ang may pinakamataas na alokasyon sa budget.
Kasama na rin sa mga departamento ng gobyerno na itinaas ang budget ang mula sa sector ng kalusugan sanhi ng pandemya, agrikultura para sa pagsusulong ng food self-sufficiency – pati na ang local pension at cash transfer programs.
Ang BIR sa ilalim ng pamumuno nina Commissioner Lilia Guillermo at Deputy Comissioner for Operations Romeo Lumagui, Jr. ay natokahang kolektahin ang halagang P3.312 trilyon mula buwan ng Enero hanggang Disyembre ngayon taon – mas mataas ng 12.4% kumpara sa nakaraang taon na P2.942 trilyon na mas mataas din ng 22.42% kung ihahambing naman sa fiscal year 2020.
Umaasa rin si Secretary Diokno sa bagong pamunuan ng BOC na makokolekta rin nito ang iniatang sa kanilang tax collection goals, masasawata ang smuggling activities at tulad sa BIR ay masusugpo rin ang graft and corruptions na siyang nangunguna sa kautusan ni Pangulong Bongbong nang maluklok sa puwesto.
Kung sa unang mga araw na pag-upo sa puwesto nina Commissioner Guillermo at DepCom Lumagui ay idinaan na lamang sa Zoom ang pakikipag-ugnayan sa mga regional directors at revenue district officers, ngayon ay face-to-face na ring haharapin ng BIR top management ang mga top-collectors ng bansa sa pamamagitan ng pagdalo sa mga inorganisang staff meetings at komperensya ng mga regional directors at revenue district officers sa buong kapuluan upang malaman ang mga suliranin sa pagbagsak ng buwis at mga paraan para maitaas ang tax collections sa buong bansa.
“Sisiguruhin namin na ang bawat piraso ng paggasta sa pondo ay makatutulong sa aming layuning muling pagpapalakas ng ekonomiya sa antas ng pre-pandemic,” sabi ni House Speaker Martin Rmualdez nang isumite ng DBM ang tinatawag nitong “Marcos Unity Budget for 2023.”
Ang “Marcos Unity Budget for 2023” ay kasalukuyang sumasailalim ng pagbubusisi ng mga senador upang matiyak na ang nasabing pondo ay magagamit sa kapakanan ng sambayanan at hindi maibubulsa ng sinuman para sa pansariling layunin.
Sinisikap ngayon nina Metro Manila Regional Directors Jethro Sabariaga (South NCR), Dante Aninag (Makati City), Albin Galanza (City of Manila), Ed Tolentino (East NCR), Gerry Dumayas (Caloocan City) at Bobby Mailig (Quezon City) na mahabol kung mayroon man silang tinamong shortfall sa tax collection sanhi ng pagkakasuspinde ng tax investigations na iniutos ni former BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay bago ito bumaba sa puwesto.
Ilan sa mga top collection performer na Revenue District Officers sa National Capital Regions (NCR) ay sina Abdulah’Bong’ Bandrang (North QC), Rodel Buenaobra (Novaliches), Deogracia Villar (Pasig City) Arnold Galapia (Tondo, Manila), Antonio Mangubat, Jr. (East Bulacan) at iba pa.
Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag- email sa [email protected].