MARCOS-DUTERTE INENDORSO NI GLORIA ARROYO, LOCAL OFFICIALS NG PAMPANGA

PINANGUNAHAN ni dating Presidente Gloria Macapagal-Arroyo ang mga opisyal ng lalawigan ng Pampanga sa pag-endorso sa kandidatura ni presidential frontrunner Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) sa harap ng 250,000 supporters na dumalo sa UniTeam festival rally.

Si Arroyo, dating House Speaker na inendorso rin ang vice presidential bid ni Davao City Mayor Sara Duterte, ay nagpahayag na si Marcos ay inendorso rin ng maimpluwensiyang Pineda clans sa pangunguna ng mother-and-son tandem ni Gov. Dennis Pineda at Vice Gov. Lilia Pineda, apat na kongresista at 20 mayors ng Pampanga.

“Mahal kong cabalen (kababayan), Kapampangan mga kaibigan, sa ngalan ni Governor Delta Pineda, sa ngalan ni Vice Governor Nanay Baby Pineda, sa ngalan ng apat na congressmen ng Pampanga, sa ngalan ng dalawampung mayor ng Pampanga, ito na po ang susunod na Pangulo ng Republika ng Pilipinas, Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.,” pahayag ni Arroyo sa maraming taong dumalo sa rally na ginawa sa tapat ng Robinsons.

Si Arroyo ay kapartido ni Duterte.

Ang Davao City mayor ay chairperson din ng Lakas-CMD at regional party ng Hugpong ng Pagbabago (HNP).

Pinasalamatan ni Duterte ang mga Kapampangans. “Maraming salamat, mahal ko kayo, mahalin natin ang Pilipinas! Kapag sinabi ng mga Kapampangan na panalo na ang Bisaya, malakas ang loob ko mananalo ako! Maraming salamat,” pahayag ni Duterte.

Sabay na binasa nina Marcos at Duterte ang isa sa mga placard mula sa supporter na nagsasaad na: “excited na kaming pumunta ng EDSA para sa victory party.”

Kasama sa 11 UniTeam senatorial candidates na dumalo sa rally ay sina Herbert Bautista, Win Gatchalian, Loren Legarda, Migz Zubiri, Gibo Teodoro, Harry Roque, Larry Gadon, Jinggoy Estrada, Gringo Honasan, Mark Villar at Robin Padilla.

Kahit si Deputy Speaker at Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta, na nag-withdaw ng kandidatura ay tiniyak ang patuloy na suporta sa buong UniTeam.

Hiniling ni Duterte sa supporters na iboto ang lahat ng 11 UniTeam senatorial candidates.

“Ipinapakiusap namin sa inyo, kung boboto kayo ng Marcos-Duterte bumoto kayo ng UniTeam senators,” pahayag ni Duterte.

“Una ang pagbabalik ng mga trabaho at negosyo na nawala dahil sa pandemya, may bakuna, may mask, may Mulnopiravir, dapat po hindi natin nila-lockdown ang mga trabaho at negosyo ng mga tao at dapat po para tayo hindi mag-lockdown dahil sa surge kunin na natin ang ating mga booster shot o pangatlong bakuna natin ng COVID-19 na nandidyan na po ‘yan sa mga vaccination centers ninyo,” dagdag pa ni Duterte.

“Pangalawa po ay kalidad ng edukasyon ng ating mga anak, dapat po world-class o global ang standard ng kalidad ng edukasyon ng ating bansa, dahil ito po ang sandigan ng magandang kinabukasan para sa ating mga anak. Pangatlo kung ano ang gusto ng lahat, hindi lang ng mga Pilipino, mapayapang pamumuhay sa ating mga komunidad na tayo ay nagta-trabaho, nag-nenegosyo na hindi tayo takot na merong gumawa ng masama sa atin,” ayon.pa rito.

Pinasalamatan naman ni Marcos si Arroyo, mga opisyal ng Pampanga at lahat ng Kapampangans sa suporta sa UniTeam Friday.

“Maraming-maraming salamat Pampanga sa napaka-init na salubong na inyong ibinigay sa UniTeam at sa tambalang Marcos at Duterte. Bastat magiging totoo ‘yan, bastat walang iwanan! Walang iwanan dahil tayo ay nagkaisa na, totoo rin ‘yan, dapat siguro walang tulugan dahil alam naman natin ang daming mga nangyayari habang tayo ay natutulog, kayat magpapahanap ako ng katakot-takot na kape, ipapadala ko sa inyo para hindi na tayo matulog,” ayon kay Marcos.

“Alam ni’yo po, e dapat e gabi na dapat malamig-lamig na ang hangin, ngunit hindi na po natin maramdaman ‘yung lamig ng hangin dahil masyado pong mainit ang pagsalubong ninyo sa UniTeam.

Tama ‘yan isigaw ninyo para maging maliwanag sa buong Pilipinas na dito sa Pampanga buo, solid ang suporta sa UniTeam at sa tambalang Marcos-Duterte!” dagdag pa ni Marcos.