MATAPOS magbanta ang Department of Health sa posibleng pagtaas ng severe at critical Covid19 cases sa Agosto, hinimok ni incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang publiko na magpa-booster shots na.
Binigyang-diin ni Marcos ang pangangailangan ng booster dose dahil sa humihinang immune system mula sa epekto ng napakabilis na makapanghawa na variant ng Omicron sa pangunahing serye ng bakuna.
“With the Covid pandemic still ongoing, different variants may still emerge. And as we have seen, some variants are not as resistant to the first and second doses as others. Hence, there is a need to enhance our immunity by getting booster shots. Kailangan ng dagdag na proteksyon,” ayon kay Marcos.
Sa isang pag-aaral sa mahigit sa isang milyong katao sa Qatar ay nagpakita na ang mga nahawahan ng mas naunang bersyon ng coronavirus at nakatanggap ng tatlong dosis ng isang bakuna sa mRNA ay lumilitaw na pinakamahusay na protektado laban sa sintomas ng impeksiyon ng variant ng Omicron.
Kaya binigyang-diin ni Marcos ang pangangailangan para sa patuloy na pagsunod sa pinakamababang pamantayan sa kalusugan ng publiko upang maiwasan ang panibagong pag-akyat ng mga kaso na maaaring makahadlang sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
“We have already made economic headways and we should not allow them to be brought to naught. This is why I am urging everyone to take part in preventing another surge that could block our way to economic recovery,” ayon pa kay Marcos.
Binigyang diin din nito ang pangangailangang magsuot ng face masks at sumunod sa health standards para sa proteksiyon at kaligtasan at mga mahal sa buhay.
Kaugnay nito ay ibinabala ng health advocate na si Dr. Anthony Leachon na posibleng tumama ang mild surge ng COVID-19 sa bansa sa susunod na buwan.
Ito ang dahil nagkakaroon na ng pagtaas sa kaso ng COVID-19 dahil sa mga variant ng Omicron, paghina ng immunity ng mga bakuna at paglabag ng publiko sa public health protocols.
Ani Leachon, bagama’t mild lamang ang mga naitatalang kaso, maaari pa rin magkaroon ng long COVID-19 syndrome ang mga tinatamaan ng virus.
Samantala, isa naman sa nakikitang paraan ni Leachon ay dapat paigtingin ang pagbabakuna at pagtuturok ng booster shot sa bansa.