MARCOS IPINAGPATULOY ANG AMNESTY PROGRAM NI DUTERTE PARA SA MGA REBELDE

BILANG pagpapatuloy ng programa para sa kapayapaan ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbibigay ng amnestiya sa mga miyembro ng makakaliwang grupo para magbalik loob sa pamahalaan.

Batay ito sa Executive Order No. 47 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ngunit hindi sakop ng direktiba ang mga rebelde na nakagawa ng kidnap for ransom, massacre, rape, terrorism, crimes committed against chastity.

Matatandaan na noong 2021, ginawaran ng amnestiya ni Pangulong Duterte ang ilang miyembro ng mga rebeldeng grupong nakagawa aniya ng mga krimen dahil sa kanilang mga paniniwalang politikal.

Kinatigan din ng Kamara ang pag-apruba ni Pangulong Duterte sa amnestiya ng mga rebelde, kaakibat nito ang pagproseso ng umaabot sa 7,691 na isinumiteng aplikasyon para sa amnestiya sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process o OPAPP ng dating administrasyon.

Kasama sa mga binigyan ng amnestiya ang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade; Moro Islamic Liberation Front at Moro National liberation Front.

Ayon sa kautusan ni Pangulong Marcos, wala na ring dapat baguhin sa mandato ng National Amnesty Commission na binuo ni Pangulong Duterte para iayon sa bagong proseso ng aplikasyon ng amnestiya.