MARCOS RECIPES IBINUKING SA PINAKBEST BOOK

IBINUKING ni Senadora Imee R. Marcos ang mga sekretong recipes o menu ng pamilyang Marcos sa face-to-face launching at signing ng kanyang libro na may titulong “PINAKBEST” sa Kamuning bakery sa Quezon City.

Ayon kay Marcos, ang mga paboritong pagkain ng kanyang mga magulang at mga kapatid, partikular si Pang. Bongbong Marcos, Jr. ay nakasulat sa libro, kabilang na ang Ilokano, Kapampangan, Bicolano, Visayan at Morrocan dishes.

Sinabi ni Marcos na isinama niya sa libro ang paboritong pagkain ni yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. na ‘dinengdeng’ at ang niluluto ng kanyang ina na si dating first lady Imelda Marcos tuwing may okasyon sa Palasyo at sa kanilang ancestral home sa San Juan.

Ayon kay Marcos, kabilang din ang ilan sa paboritong lutuin ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na galing sa Paoay, Ilocos Norte.

“Si Bongbong ang pinakamagaling sa amin na magluto. BBM is a very dedicated cook. Hindi naguumpisang magluto yan pag hindi kumpleto ang rekados. Ako naman serious gangster kung magluto, kung ano-ano na lang dahil sa tatlo kong anak na lalake,” pahayag pa ni Marcos.

Inilunsad ang libro na inareglo at sinulat ni Marcos katuwang ang world-renowed chef na si Reggie Aspiras, anak ni dating Tourism Secretary Jose Aspiras.

Ayon kay Aspiras, inabot ng sampung taon ang pagkukulitan nila ni Sen. Marcos bago mailimbag ngayon 2022 ang libro.

Blockbuster agad ang libro dahil bumili ng 200 piraso ang Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII) sa pamumuno ni Henry Lim Bon Liong.

Kasama rin sa bumili ang kontrobersyal aktres na si Deniece Cornejo na isa na ngayong Ambassdor for Environment ng DENR.

Mabibili ang libro via online at sa opisina ni Marcos sa halagang P598 kada piraso.

Pinangunahan ni Mr. Wilson Flores ang event at dinaluhan nina DTI Sec. Alfredo Pascual, Pasig Cong. Roman Romulo, Quezon City Mayor Joy Belmonte, Mayor Elisa Dela Cruz- Candingan ng Hinundayan, Southern Leyte, CCP Chairman Dr. Jaime Laya, former Press Secretary Atty. Trixie Angeles, Federation of Filipino- Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc(FFCCCII) at iba pang officers. VICKY CERVALES