Si Padre Mariano Gómez y Guard ay isinilang noong Agosto 2, 1799 sa Santa Cruz, Maynila. Kasama siya sa tatlong paring ginarote ng mga Kastila dahil sa paratang na pag-aalsa laban sa kanilang pamahalaan, na tinaguriang Gomburza.
Nakatapos siya ng “Canon Law” at Teolohiya sa Unibersidad ng Santo Tomas at naging pari sa Parokya ng Bacoor, Cavite noong Hunyo 2, 1824. Dahil may kaalaman sa pagsasaka, naging aktibo siya sa pagpapaunlad ng agrikultura at industriyang pantahanan sa bayang ito. Naging tagapamagitan din siya sa mga hindi pagkakaunawaan ng mga tao sa Parokya at pati na rin ng kapwa niya pari kaya napamahal siya ng husto sa lahat.
Isa sa mga dahilan kaya siya nakainitan ng mga prayle ay dahil napagtagumpayan niya ang pakikipaglaban para sa mga karapatan ng mga paring Pilipino, na noon ay minamaliit ng mga paring Kastila.
Dahil malakas ang kanyang impluwensya, kaisa niya ang maraming tao sa mga ipinaglaban nilang karapatan. Dahil na rin sa kanyang pagtatanggol sa mga kababayan, pinagbintangan siyang kaanib sa rebulusyon sa Cavite. Kasama sina Burgos at Zamora, si Gomez ay pinatay sa pamamagitan ng garote noong Pebrero 17, 1872. – SHANIA KATRINA MARTIN