MARIEL RODRIGUEZ SINIGURONG SIYA LANG ANG BABAE SA BUHAY NI ROBIN PADILLA

GUEST si Mariel Rodriguez-Padilla sa Magandang Buhay nu’ng Lunes at Martes. Maraming magagandang kuwento si Mariel hinggil sa kung paano nag-umpisa ang love story nila ng action star na si Robin Padilla.

First time na nagpa-interbyu ang mahusay na TV host magmula nang bumalik siya sa It’s Showtime last June 18.

Nag-meet ang dalawa way back 2010 nang ma­ging guest co-host ang actor sa Wowowee dahil nagka-problema na sa pagitan ng host na si Willie Revillame at ang ABS-CBN.

Ayon kay Mariel, nakuha ni Robin ang pulso ng mga manonood. Pero una pa lang daw ay nalaman na ni Mariel na may gusto sa kanya ang aktor. Ang ABS-CBN executive na si Linggit Tan ang nagsabi sa kanya, kaya lang deadma raw siya.

May kapilyahan lang na ginawa si Mariel para magpabalik-balik sa paggi-guest host si Robin.

Aniya, gusto raw nila na mag-stay si Robin sa show dahil tanggap ng mga manonood at genuine raw kasi ang ginagawa. Totoo rin daw na sinusulatan niya si Robin araw-araw at idinidikit niya sa dressing room ng aktor.

“Dinidikit ko sa dressing room niya para ma-feel niya kung gaano siya ka-welcome sa amin.” Pero hindi raw niya nilalagay ang kanyang pangalan. Inamin din ng TV host na may crush din siya kay Robin.

“O, ‘di podium, may contestant. Bubulong, chuchuchu… Kung ano-ano ang pinagbububulong, tulad ng ‘Ang bango mo naman!’

“Habang may contestant, habang nagtatrabaho! So, si Mariel naman kinikilig siyempre, ‘di ba?” pag-amin niya sa MB.

Nag-umpisa sa tuksuhan na nauwi sa totohanan. Whirlwind romance, kumbaga, ang nangyari sa kanilang dalawa. Kahit daw pinakikilig siya ni Robin, ‘di raw naman agad nagpahayag ang aktor na may gusto siya sa TV host-actress. The rest is history.

Nang yayain daw siya ni Robin na magpakasal, iisa lang daw ang sinabi niya sa aktor, “kailangan ako lang.” Kilala raw kasi si Robin na lapitin ng babae. Sinabi raw ni Robin ang lahat ng tungkol sa kanyang buhay, kung ilan ang anak, etc.” Sinabi niya, ‘Ganito ako. May mga anak ako. May pamilya akong sinusuportahan. Importante sa akin ang Mindanao.’ And “I really fell in love.”

Ikinasal sina Mariel at Robin nu’ng Agosto 19, 2010 sa Taj Mahal, Agra, India at may isa na silang anak, si Maria Isabella.

BOY ABUNDA HINDI TATAKBO SA 2019 ELECTIONS

BOY ABUNDAAKTIBO ang King of Talk na si Kuya Boy (Abunda) sa kanyang advocacy. Kamakailan lang ay nagpulong ang grupo ni Kuya Boy kasama ang ilang miyembro ng LGBTQIA community.

Tinalakay ng grupo ang Boy Abunda Roundtable Conversations (B.A.R.C.O) na ang issues ay tungkol sa LGBTQIA.

Nasorpresa si Kuya Boy dahil marami ang um-attend at nakinig sa kanyang speech kasama na ang pagdidiskusyon.

Aniya, “20 lang ang in-invite namin but I’m very happy dahil 40 ang dumating na mga millennials. I’ve been blessed with a wonderful life. Nais ko mag-mentor, mag-share ng kaalaman. Binigyan ako ng pagkakataon ng Panginoong Diyos na maka-afford makapag tayo ng ganitong klase na engagements para mara­ming bata or kung sino man tao ang nakaakma sa topic ang lumawak ang kaalaman.”

Tungkol naman sa politika, sinabi ng King of Talk na wala siyang balak pasukin ito. Wala raw intensiyong political ang ginagawa niyang advocacy. CHIZMAX / BETH GELENA

Comments are closed.