ILOCOS SUR – ISANG plantasyon ng marijuana ang sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) Laoag, Vigan, Ilocos Regional Office, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at La Union Police Mobile Police Force (LUPMF) sa Barangay Licungan, Sugpon sa lalawigang ito.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nagsimula ang operasyon mula sa natanggap na ulat ng intel na nagsasaad na may taniman ng marijuana o Cannabis Sativa sa La Union, Ilocos Sur at Benguet.
Napag-alaman din na handa nang anihin ang mga tanim para sa distribusyon.
Sa pangunguna ni Atty. Dante B. Bonoan ng NBI-LADO ay nilusob ng mga operatiba ang taniman sa kabila ng mapanganib na bundok at siyam at kalahating oras na paglalakad papunta sa lugar subalit tumakas ang mga cultivator nang makita ang paparating na mga awtoridad.
Ayon sa PDEA, ang nasabing marijuana ay nagkakahalaga ng tinatayang P2,225,000.
Ang mga halamang marijuana ay binunot at sinunog sa lugar mismo ng operasyon.
RUBEN FUENTES