MARIKINA BRIDGE ‘PINARALISA’ NG ULAN

MARIKINA RIVER

DAHIL sa patuloy na pag-ulan ay tumaas ang level ng Marikina river na naging dahilan naman para anurin ang barge na pag-aari ng lokal na pamahalaan sa nasabing lungsod.

Ikinabahala ng residente sa lugar na dahil sa bilis ng pagkilos ng barge na yari sa bakal ay sumalpok ito sa mga poste o pundasyon ng Sto. Nino bridge  kaya naman upang hindi magdulot ng trahedya ay pansamantala itong itinaas.

Ang atas na huwag munang ipagamit sa publiko ang tulay ay bandang alas-2 ng hapon na kasagsagan ng malakas na ulan dulot ng habagat na pinalakas ng bagyong Henry na nakalabas na ng bansa kahapon.

Ang Sto. Nino Bridge ay nagkokonekta sa Marikina City at San Mateo, Rizal.

Inalerto ng local government unit at barangay ang kanilang mga nasasakupan, ukol sa pagsalpok ng barge.

Nananatiling nakalutang ang nasabing barge sa nasabing ilog na nagdurugtong sa San Juan river.

Nananatili sa level No. 2  ang alerto sa nasabing ilog, na sa pinakahuling sukat ay nasa 16 meters  ang taas.

Inaabisuhan din ang mga re­sidente sa lugar para sa paglikas sakaling tumaas pa ang tubig.

Bukod sa Marikina River ay mino-monitor din ang iba pang ilog gaya ng Pasig River.

Samantala, dahil pa rin sa patuloy na pag-ulan, malaking bahagi ng Metro Manila partikular sa Roxas District, Quezon City ay nalubog sa baha.  Habang natukoy naman ang R. Papa sa Sta. Cruz, Manila na hanggang dibdib ang baha.

Bunsod nito, tinanggal na ng Metropolitan Manila Deve­lopment Authority (MMDA) ang number coding o Unified Vehicle Volume Reduction Program  (UVVRP) upang may masakyan ang mga manggagaling sa trabaho at iba pa. MARY ROSE AGAPITO-OJT

Comments are closed.