HUMINGI ng paumanhin si Health Secretary Francisco Duque III dahil sa naging mabagal na pag-apruba ng Department of Health (DOH) sa ipinatayong COVID-19 testing facility ng Marikina City government.
Nabatid na nagpasya si Duque na personal na bisitahin nitong Biyernes ang binuksang COVID-19 testing facility na ipinatayo ni Mayor Marcelino Teodoro matapos na magpasya ang alkalde na gawin na itong operational kahit hindi pa aprubado ng DOH.
Nais makita ni Duque ng personal kung dapat na ba talagang payagang mag-operate ang pasilidad.
Aminado naman si Duque na na-impress siya sa kanyang nakita sa pasilidad at kaagad na humingi ng paumanhin na hindi kaagad ito nabi-gyan ng go signal upang maging operational.
Itinuring pa ito ng kalihim na ‘one of the best laboratories’ na kanyang nakita.
Nagpaliwanag rin naman si Duque kung bakit natagalan ang paglalabas nila ng akreditasyon sa laboratoryo, na una nang ikinadismaya ni Teodoro.
Ayon kay Duque, “Nagpapalawig tayo ng maraming laboratory. Minsan sa scheduling nagkaka-problema. Humihingi lang ako ng pasensya kung nagkaroon ng kaunting antala. Ang importante, nasunod na siguro ang biosafety, biosecurity protocols.”
Kaugnay nito, inaasahang hanggang ngayong Martes ay maiisyuhan na ng DOH ng akreditasyon ang testing facility ng Marikina City matapos na makumpleto sa Lunes ang proficiency test para sa mga equipment ng mga pasilidad, laboratory technicians, at maging medical technologists.
Sa sandaling maging operational, maaaring magsagawa ng 400 hanggang 500 testing ang pasilidad araw-araw, o katumbas ng 5 porsiyento ng national target na 8,000 daily tests.
Una nang sinabi ni Teodoro na ang polymerase chain reaction (PCR) testing sa kanilang laboratoryo ay tatagal lamang ng tatlong oras bago mailabas ang resulta.
Gayunman, kinabukasan pa rin ito maaaring makuha dahil kailangan pa itong sertipikahan ng isang molecular pathologist.
Sa kabila nito, mas mabilis pa rin ito kumpara sa lima hanggang pitong araw nang paglalabas ng PCR test results ng ibang testing centers.
Nabatid na libreng ipagkakaloob ng Marikina City ang COVID-19 tests sa kanilang mga residente, ngunit hindi papayagan ang mga walk-in patients.
Ang mga nais na magpasuri sa laboratoryo ay maaaring tumawag sa cellphone number na 0945-517-6926 o di kaya’y bumista sa pilipinas-tele.vsee.me/u/marikina.
Maaari rin naman umanong magpasuri sa pasilidad ang mga hindi residente ng lungsod ngunit kinakailangang ang kanilang local government unit ang makipag-ugnayan sa Marikina government. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.