MARIKINA MAYOR SINISINGIL NGAYONG ELEKSIYON SA KULANG NA PANDEMIC AYUDA?

SINABI ng isang UP political science professor na si Maria Ela Atienza na kung mayroon mang iniwang leksiyon ang COVID-19 sa politika ay ito ay ipinamukha ng pandemic sa taumbayan na kung hindi tamang opisyal ang nakaupo sa puwesto ay tiyak na mabibigo ang anumang pandemic response.

Ang naging karanasan nitong pandemic ay itinuturing na “crucial” ngayong Mayo 2022 elections dahil “it will make or break a candidacy”, ang mga performing mayor ay tiyak na magniningning ngayong eleksiyon habang asahan na sisingilin naman ang mga local official na hindi kumilos o kulang ang ibinigay na ayuda.

Sa kasagsagan ng pandemic ay lumaganap sa social media ang mga hashtag na #nasaankamayor #walangayuda #humandakayo sa eleksiyon at iba pa na patukoy sa mga incompetent official.

Ngayong ilang araw na lamang bago ang eleksiyon ay tiyak na abalang-abala ang mga local official sa kanilang pangangampanya, tiyak na ibinibida ang kanilang mga nagawa sa panahon ng pandemic subalit bakit sa Marikina City ay tila sinisingil naman si Mayor Marcy Teodoro ng mga residente sa kulang na ayuda.

Ano kaya ang katotohanan sa nagkalat na fliers sa lungsod na nagsasabing mas marami sa mga residente ang nakatanggap ng P1,000 kaysa sa itinakdang P4,000 na Special Amelioration Program (SAP) na ibinigay ng national government?

Sa kabuuan umano ay P384-M ang SAP na ibinigay sa lungsod para magpamahagi ng P4,000 ayuda para sa 96,000 pamilya ngunit may mga walang natanggap, may iilan na nakakuha ng P3,000 habang mas marami ang P1,000.

Ang tanong tuloy ng mga residente ay mas marami ba ang may mga walang anak sa lungsod kaya mas marami ang nabigyan ng P1,000? Nasaan ang ibang ayuda, kung hindi naibigay ay dapat may resibong ibinalik ang pondo sa DSWD.

Kaaawa-awa talaga ang tao, umaasa sa malaki sanang ayuda pero kapag binigyan ng P1,000 ay wala nang magawa kundi tanggapin ang munting biyaya kaysa sa wala.

Matatandaan na noong nakaraang taon ay ilang residente ng Marikina City ang nagsagawa ng protesta at nanawagan ng ayuda dahil marami sa mga ito ang wala sa listahan ng mga benepisyaryo, may ilan naman ang naglabas ng kanilang sintemyento sa Twitter at nagsabing hindi lahat ay naabutan ng ayuda lalo ang mga nasa malayong lugar.

Mainam na hingan ng paliwanag dito si Mayor Marcy. Nasaan na raw po ang kulang na ayuda, mayor?