UPANG makatulong at makarekober sa nagdaang pandemya ang mga namumuhunan at mangagagawa ng sapatos, muling binuksan ang Bazaar ng sapatusan sa Marikina City kahapon.
Pinangunahan ni Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro kasama ang kanyang maybahay na si Maan ang pagbubukas ng Bazaar na nagsimula kahapon at magtatapos hanggang Enero 15 sa susunod na taon na ginaganap sa Freedom Park, sa harap mismo ng Marikina City Hall.
“Naniniwala ako na ang sapatos, lalo na dito sa Marikina, hindi mawawala. Hindi tayo pwedeng igupo ng ano mang pandemya o ano mang pagsubok. Alam niyo kung bakit? Mahal natin ito eh,” anang alkalde.
“Hindi pwedeng pabayaan. Hanggang may isang taga Marikina na nagmamahal sa sapatos, hindi mawawala itong sapatos ng Marikina. Dahil ito ang ikinabuhay at ito ang nagsilbing pag-asa ng marami sa atin,” dagdag pa nito.
Taong 2020, ang City Government ng Marikina ay hindi nakapagsagawa ng annual shoe bazaar dahil sa health restrictions dulot ng COVID-19 pandemic.
Nasa 40 manufacturers na binubuo ng footwear at leather-goods ang sumama sa nasabing bazaar.
Matatagpuan sa nasabing bazaar, bukod sa mga sapatos ay may mga bag at belt na tunay na mga gawang Marikina at siguradong super tibay at sa kayang halaga dahil gawa ng Marikina’s skilled craftsmen.
Ayon kay Teodoro , humigit kumulang 6,000 shoemakers at Craftsmen ang naapektuhan sa idinulot ng pandemya.
Kaya’t bilang tulong sa mga local shoe manufacturers na maka-recover sa nagdaang masamang epekto ng pandemic ay hinihikayat ang publiko na tangkilikin ang sariling gawa ng skilled craftmen ng Marikina at kasabay sa panahon ng Kapaskuhan ay pagkakataon ng maghanap ng panregalo mula sa mga produktong lokal. ELMA MORALES