MARITIME EDUCATION PALALAKASIN

NAKIPAGTULUNGAN ang Maritime Industry Authority (MARINA) sa Nautical Institute (NI) para palakasin ang maritime education and training (MET) ng bansa sa pamamagitan ng memorandum of understanding (MOU).

Sa isang pahayag, sinabi ng MARINA na ang NI ay magbibigay sa ahensya at lokal na institusyon ng MET ng academic advice at suhestyon sa pamamagitan ng MOU.

Kabilang rito ang pagpapabuti sa MET curricula para sa mga opisyal na nasa barko at postgraduate curricula para sa shore-based maritime personnel at ang pagsasagawa ng academic workshops upang mapabuti ang pamamaraan ng pagtuturo at mga nilalaman ng mga paksang kasama sa kurikulum.

Layon din nito na suportahan ang propesyonal na pag-unlad ng mga marino sa pamamagitan ng ‘mapping’ ng Certificate of Competence sa mga antas ng professional membership at registration hanggang sa “chartered” status.

“The signed memorandum also paved way for the MARINA to have access to information that will support the professional development of seafarers, counseling on accreditation of training programs to support the education of Filipino seafarers, as well as to support the recognition of seafarers through routes to registration,” ayon pa sa pahayag ng MARINA

Nilagdaan ang MOU nina MARINA Administrator Hernani Fabia at NI chief executive officer Captain John Lloyd, FNI sa selebrasyon ng ika- 50th founding anniversary ng NIs kamakailan.

Sinabi ni Fabia na ang partnership ay magbibigay-daan sa MARINA na “pabilisin ang tagumpay” ng isang nationally-integrated at globally competitive maritime industry sa pamamagitan ng maritime education, innovation, technology, at sustainability.

Isang non-governmental organization ang NI na may consultative status sa International Maritime Organization na naglalayong isulong ang “propesyonalismo, pinakamahusay na kasanayan, at kaligtasan” sa buong industriya ng maritime at kumakatawan sa mga interes ng mga mi­yembro nito. PAUL ROLDAN