MARKET DAY AT PULONG NG BRGY. COUNCIL BINULABOG NG NPA

NPA

NEGROS ORIENTAL – NABULABOG ang Market Day gayundin ang pagpupulong ng mga barangay official nang lumusob ang 20 lalaki na nagpakilalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Lamugong, Manju­yod.

Sa pahayag ni 302nd Infantry Brigade commander Brigadier General Ignacio Madriaga, halos isang oras ding kinontrol ng umano’y mga rebelde ang lugar bitbit ang kanilang mga armas na  hindi pa matukoy kung anong uri.

Dahil maraming tao sa palengke, nahintakutan ang mga ito.

Sa panggugulo sa barangay hall ay tina­ngay ng mga rebelde ang cellphone ni Punong Barangay Arsenio Cardiente kabilang na ang tatlong hand-held radio ng barangay.

Dahil dito, hindi nakapagsumbong sa mga pulis ang barangay officials.

Nanatili pa umano ang mga rebelde sa lugar sa loob ng isang oras ngunit wala naman silang sinaktan.

Ayon kay Madriaga, pananakot lamang ang ginawa ng komunis­tang grupo at balik na sa normal ang sitwayon sa Barangay Lamugong. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.