TANONG: Doc Benj, saan ko po magandang itayo ang business ko o ‘yung tamang location po?
Sagot: Marami tayong makikitang nabakanteng lugar dahil gawa ng nagsara na negosyo o marahil hindi naman nagsara pero hindi na nila kailangang umupa ng lugar at lumipat na ng ibang location. Ito ay isang epekto ng pandemya kung saan nagbago ang sinasabing business location o place kung saan nagaganap ang transactions o bentahan. Para sagutin ang tanong mo, kailangang maunawaan muna natin ang kahulugan ng “Marketplace” at ng “Marketspace”. Bibigyan ko kayo ng ilang puntos para malaman kung ano ang magandang lokasyon ng business mo at maihambing mo kung “marketplace” ba o “marketspace” ang iyong kailangan.
Ang Marketplace ay ang pisikal na lugar kung saan puwede kang mapuntahan ng customers at doon sila maaaring bumili ng iyong tinda. Makikita ang mga display ng iyong produkto, mga tauhan mo na nagbebenta at dito nagaganap ang actual na bentahan, ang pera niya kapalit ng iyong produkto. Samantalang ang Marketspace ay digital o sa internet at hindi man pisikal na lugar pero mayroon sa internet kung saan makikita ang iyong kompanya at produkto o ‘yung tinatawag na e-commerce na “virtually” mong naibebenta ang iyong produkto. Tinatawag na rin itong digital Marketplace.
Mahalagang maunawaan ang mabuting naidudulot ng parehas na paraan ng pagbebenta at ang kaakibat na responsibilidad para sa mas epektibong pagnenegosyo. Bago pa magpandemya ay hindi pa gaanong malakas ang e-commerce sa atin katulad ng ngayong may pandemya kaya maraming negosyo ang nawalan ng pisikal na location at mas pinili ang presensiya sa internet kaya nakikita natin ang kompanya o ang produkto sa online kaya mayroon siyang space virtually. Ngunit mayroon namang mga nagbukas pa rin ng kanilang pisikal na location at nagpalakas pa ang iba dahil mas malaki ang pakinabang pa rin ng may pisikal na lugar. Unawain mo ang makabubuti sa ‘yo sa negosyo sa pamamagitan ng ilang puntos kung saan mo maikukumpara ang dalawa.
1. Mayroong Tao – Dapat malaman ang tamang customers na bebentahan kaya kung nasaan ang tao na nangangailangan ng iyong produkto, doon ka magtayo ng negosyo at kung ito ay pisikal o digital dapat mong maunawaan ang epektibo sa ‘yo. Ano ang paraan na gusto ng customers mo ng pagbili? Halimbawa, sapatos ang produkto mo, marami pa rin ang may gusto na naisusukat ang sapatos bago bumili kaya kailangan ng pisikal na makita ang produkto o ‘di kaya ay salamin sa mata, kaya may mga nagtayo ng “mobile” na tindahan. Ito ay tindahang pisikal pero nasa truck o sasakyan na makakapunta sa customers. May produkto naman na ang target ay ang mga taong mahilig sa internet at kaya ku-mukuha ng space sa digital halimbawa ay mga pagkain na ‘di kailangang isukat bago bilhin.
2. Madaling Mapuntahan – Malaki ang kalamangan ng negosyong madaling ma-access o matanto ng customers kaya ang paraan na ito ay maaaring sa internet o pisikal. May mga customers na gusto munang makita ang kompanya bago pisikal na puntahan kaya mainam din ang convenience sa internet at doon pa lang ay parang napuntahan na rin nila ang kompanya mo. Kaysa pisikal na puntahan at sa hirap ng biyahe ngayon, mas gugustuhin munang masilip sa internet ang produkto mo at doon makita nila ang mga opinion ng ibang mamimili sa mga post o review ng customers sa internet.
3. Tamang Espasyo – Sa pisikal na lugar ay may aktwal na sukat at ang gobyerno ay nagre-require pa ng social distancing sa mga customer kaya mangangailangan ka ng mas malaking lugar kaya isaisip kung kaya ba ang tamang espasyo. Ang iba naman ay nagbukas na ng drive-thru o park and go, ibig sabihin ay walang dine-in na kainan kundi mas marami ang take-out dahil iniiwasan na pumasok sa store ang tao. Kaya maraming business ang naengganyo na magbenta na lang sa online para walang dine-in at bawas ang interaction ng mga tao o walang contact sa mga tao. Sa internet ay bawas ang paghahalubilo ng mga tao.
4,. Hindi Magastos o Mataas ang Upa – Ikumpara ang magiging gastos mo kung kukuha ka ng pisikal na tindahan o sa internet ka na. Maaaring sa internet ka pero magre-require pa rin ang gobyerno ng address ng negosyo mo at ang home address mo ang maaari mong gamitin kaya walang upa. Pero ang babayaran mo naman ay ang gastos sa pagtayo ng virtual office o store o website, gastos sa internet, gastos sa pagsali sa mga internet store portals gaya ng Shopee, Lazada atbp. gastos sa tauhan mo na magbabantay at mag-aayos ng iyong virtual space.
5. Madaling Mabisita o Ma-Manage – Ang susunod na tanong ay kung ano ang mas madali mong mabantayan o ma-manage na location, pisikal o virtual. May mga taong hirap makaintindi sa computer kaya mas gusto ang traditional na pagtitinda at mayroon namang magaling sa e-commerce pero hirap sa pisikal na pag-aasikaso. Alamin ang epektibong paraan. Parehas na posibleng may dayaang maganap o makakatagpong panloloko kaya dapat maunawaan ang tamang paraan ng pagbabantay o controls sa negosyo. Saan ang mas madaling maka-deliver o makapagpadala o makabenta ng produkto sa custom-ers?
6. Competition – Kahit anuman ang piliing lokasyon, haharap ka pa rin sa mga kalaban sa negosyo o ‘yung competition kaya kailangang malaman ang pisikal na kalaban o ang virtual. Baka kailangan mong gumawa ng mga advertisements sa online o pisikal na negosyo at mga promotional activities. Sa e-commerce ay maaring kalaban ang lahat ng nagnenegosyo sa buong bansa o mundo, sa pisikal naman ay ‘yung sa paligid lamang ng business mo pero depende din sa produktong kinakalakal. Unawain ang competition at tamang action na gagawin sa anumang location.
Ilang puntos lamang ito sa pag-iisip kung saan ka dapat magtayo ng iyong negosyo. Kailangan ng masusing pag-aaral ng ang-kop na location sa ‘yo depende sa customers, produkto, sitwasyon at kakayanan mo. Maaaring balansihan at maabot ang magandang benta. Para sa mga ilan pang katanungan, maaari ninyo akong i-konsulta, i-email ninyo ako sa [email protected]. Kung may pangangailangan sa Accounting, Taxation, Audit o anumang business-related, matatawagan niyo ako sa 0917-876-8550. Pinagpalang negosyo po sa ‘ting lahat!
Si Doc Benj ay isang consultant sa business, professor at CPA.
Comments are closed.