MARKING SA UNIOIL NAGPAPATULOY

FUEL MARKINGS-2

NAGPAPATULOY ang isinasagawang fuel marking matapos na isa pang batch ng Mogas Base Fuel na may tinatayang dami na 11.6 mil­yong litro na lulan ng MT Sichem Mumbai ang muli nilang minarkahan sa loob ng import terminal facility ng Unioil sa Bataan noong Nobyembre 3, 2019.

Kasunod ito ng pagsisi­mula ng marking activities ng petroleum products ng Insular Oil Corporation sa Subic noong nakaraang linggo.

Sa kasalukuyan, may kabuuang 94.9 milyong litro na ng fuel ang namarkahan sa Unioil simula nang isagawa ang initial marking noong Oktubre 22, 2019.  Katumbas ito ng nakolektang duties and taxes na nagkakahalaga ng P719 milyon.

Sinabi ni Customs Deputy Commissioner for Enforcement Teddy Raval, na siyang pinuno ng implementing office ng fuel marking program ng pamahalaan, na ang mga kompanya ng langis na hindi pa nakapagsasagawa ng fuel marking ay mahigpit nilang hinihikayat na makipagtulungan sa mga kinauukulang ahensiya  upang makaiwas sa prosekusyon.

Nabatid na sa Pebrero 3, 2020 ay sisimulan na ang nationwide testing ng fuel sa retail side na isasagawa ng Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of Finance (DOF) at SICPA-SGS.

Masusi namang nakikipag-ugnayan ang BOC, sa pamumuno ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero, sa mga kompanya ng langis sa bansa upang madaliin ang pagmamarka nila ng kanilang mga produkto bago tuluyang sumapit ang itinakdang deadline nito.

Comments are closed.