MARKSMANSHIP, GUN PROFICIENCY TRAINING KAILANGAN NG PNP

pnp

KAILANGAN ng lahat ng kasapi ng Philippine National Police  na magkaroon ng sapat na marksmanship at gun proficiency training sa paggamit ng kanilang mga baril upang maiwasan ang mga aksidente sa pag discharge ng kanilang mga sandata.

Ito ang iginiit ni Interior Secretary Benhur Abalos bunsod sa posibilidad ng pagkakaroon ng “friendly fire” sa mga police operation.

Partikular na tinukoy ang isinasagawang imbestigasyon sa operasyon ng PNP Anti-Kidnapping Group sa Angeles, Pampa­nga kung saan may isang pulis ang nasawi sa pagliligtas sa dalawang babaeng Chinese na dinukot umano ng mga kapwa nito Chinese.

Nabatid na sinisiyasat ng PNP kung may nangyaring “friendly fire” sa ginawang rescue operation sa Pampanga noong Agos­to 3, kung saan isang pulis ang napatay at isa pa ang sugatan.

Nitong nakalipas na Linggo, nakiramay pa  ang Chinese Embassy sa pamilya ng nasawing si Staff Sergeant Nelson Santiago, 35-anyos at sa kasama nitong sugatan sa ikinasang rescue operation ng mga tauhan ng PNP Anti Kidnapping Group sa dalawang dinukot na Chinese.

Kasabay ng pakikiramay ay naghandog ng tulong ang Embahada ng China sa biyuda at mga anak ni Santiago na napatay sa kasagsagan ng pagliligtas sa dalawang kidnap victim.

Mismong si Counsellor and Police Attaché Mr. Zhao Lei al ang nagtungo sa burol ng pulis at nag-abot ng tulong pinansiyal sa biyuda ni Sgt. Santiago na si Mary Rose.

Una na ring nagkaloob ng tulong ang Chinese Embassy Manila sa sugatang pulis na si Chief Master Sergeant Eden Accede na naka-confine sa isang pagamutan.

Sina Sgt Santiago at CMS Accade ay kabilang sa Task Group ng PNP Anti Kidnapping Group na nagsagawa ng rescue operation sa dalawang Chinese na dinukot sa Quezon City at dinala ng mga abductor sa Guzman Street Sitio Feliza sa Angeles City, Pampanga.

Upang mapalaya ang dinukot, humiling ang mga kidnaper ng ¥500,000 o katumbas na P8,000,000 ransom sa pamilya ng mga biktima

Ang insidente ay idinulog ng Chinese Embassy sa Philippine National Police kaya  ikinasa  ang rescue operation kung saan napatay sa operasyon si Santiago.

Samantala, nakakulong na ang dalawang suspek nq kidnapper na kapwa mga Chinese rin na kinilalang sina Hu Kai at Ryu Don.

Ayon kay PNP PIO Acting Chief at Spokesperson Col. Jean Fajardo, parte ng imbestigasyon nila kung nagpaputok ang mga suspek kaya napatay ang isang pulis.

Sinabi ni Fajardo na tiniyak ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na pananagutin ang sino mang mapapatunayang nakapatay sa nasabing pulis.

Noong 2018, anim na pulis ang napatay sa Samar sa isang “misencounter” sa pagitan ng Philippine Army at ng pulisya.

VERLIN RUIZ